Itataya ng Purefoods at San Miguel Beer ang kanilang imakuladang baraha sa kanilang paghaharap kung saan kapwa asinta ang ikatlong sunod na panalo sa Motolite PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.
Magtitipan naman ang Sta. Lucia at Barako Bull sa isa pang laro kung saan asam ng una ang ikatlong sunod na tagumpay matapos mabigo sa Burger King habang asinta naman ng huli ang ikalawang sunod na tagumpay mula sa 0-2 panimula ng torneo.
“San Miguel will be an acid test for us. They’re playing good basketball and their import (Gabe Freeman) is extremely explosive. We must bring the same focus, effort and energy that we displayed in our first two games to continue our winning ways,” ani Purefoods coach Ryan Gregorio.
“Purefoods is playing really well as a team. They’ve got good balance. We have to come into the game with a defensive mindset,” wika naman ni San Miguel coach Siot Tanquingcen.
Kapwa umaasa ang dalawang coach na playoff type ng laro ang gagamitin nilang sukatan kung hanggang saan ang kaya nila sa torneo.
Ang Giants at Beermen ay nagsimula sa torneo ng may dalawang sunod na tagumpay. sila lamang ang tanging koponan na wala pang talo sa loob ng dalawang linggo ng reinforced conference.
Umaasa si Tanquingcen na masusustina ni Freeman ang momentum ng kanyang impresibong debut noong Linggo kung saan kumana ito ng 40 puntos at 15 rebounds sa paghatak sa Beermen sa 114-105 panalo sa Burger King Titans.
Nakapagtataka na 25 minuto lamang pinaglaro ni Titans coach Yeng Guiao ang kanilang import na si Shawn Daniels.
Laban sa Purefoods, magsusukatan sina Freeman at Brian Hamilton na impresibo din ang panimula, makaraang magtala ng triple-double game laban sa Talk N Text.
Gayunpaman, nanood lamang si Hamilton sa kanilang laban kontra sa Rain or Shine, nang mapatalsik ito sa laban bunga ng flagrant infraction, ngunit hindi rin napigil ang Giants sa pagtala ng malinis na rekord.
Samantala, kasalukuyang naglalaban naman ang Rain or Shine at Alaska sa Ynares Sports Center sa Pasig, habang sinusulat ang balitang ito. (Nelson Beltran)