Picson binisita ang training camp ng boxers
MANILA, Philippines - Nagdaos ng konsultasyon sa mga miyembro ng national training pool at coaches ang Amateur Boxing Association of the Philippines para madetermina ang pangangailangan na magtatahak sa higit na sistematiko at tamang paraan sa paghahanda sa mga pangunahing international tournaments.
Binisita ni Executive director Ed Picson ang training camp ng ABAP sa Baguio at tinalakay ang mga dapat gawin para maging pokado ang national boxers sa kanilang pagsasanay.
“Since vital tournaments are fast approaching, we want to know every concern of the boxers and their coaches like equipment as well as the training conditions here in Baguio,” ani Picson.
Ipinaabot din ni Picson ang plano ng ABAP, lalo na ang tungkol sa ranking ng team members at tournaments na lalahukan nila.
Binigyan-diin ng boxing official ang kahandaan ng ABAP na suportahan ang lahat ng nagnanais ipagpatuloy ang pag-aaral habang nagsasanay na siyang hinihimok ng liderato na pinamumunuan ni chairman Manny Pangilinan at president Ricky Vargas.
“I told them that to just inform us if they want to go to school and eventually earn a degree,” ani Picson, na na-impress sa pagnanais at optimism na ipinakita ng mga miyembro ng national team.
Abala sa paghahanda ang ABAP sa nalalapit na events para sa kanilang grassroots program na naglalayong makadiskubre ng potential international campaigners.
Idaraos ang Visayas leg ng ABAP Area Tournament sa Marso 22-27 sa magkatulong na paghohost ng Ormoc City at bayan ng Kananga sa Leyte.
Pagkatapos ng Visayas leg, tutungo naman sila sa Luzon sa Abril 14-18 at Mindanao sa Mayo 10-15 at Southern Tagalog June 5-10.
- Latest
- Trending