Tarlac, host ng 2009 CLRAA
SAN JOSE, Tarlac, Philippines - Pag-karaan ng 20 taong paghi-hintay ay muling gaganapin sa lalawigang ito ang Central Luzon Regional Athletics Association 2009 (CLRAA 2009) sa P140-Million Tarlac Recreational Park (TRP) sa bayang ito.
Bagama’t kasalukuyan pang tinatapos ang pagdarausan ng pangrehiyong sports spectacle ay handang-handa na ang mga Tarlaqueño para sa CLRAA 2009 na magbubukas sa Marso 15 hanggang 21.
Sa bulubunduking bahagi ng bayang ito, na 10-15 minuto ang layo sa Tarlac Provincial Capitol, itinayo ang TRP na may lawak na 50 ektarya, at 35 ektarya nito ay nadebelop na pagdarausan ngayon ng iba’t-ibang athletic events. Ang iba pang natirang bahagi ay gagamitin bilang motocross field, BMX rides, jogging, trekking, mountain climbing at picnics.
Sinabi sa presscon ni Tarlac Gov. Victor A. Yap, ang CLRAA 2009 na kanilang iho-host, ay dry-run na ito para sa kanilang inaambisyon na ganapin dito ang 2010 Palarong Pambansa. Kasalukuyan na umano silang nakikipagugnayan sa iba’t-ibang lalawigan dito sa Central Luzon at mga lalawigan sa Southern Luzon upang suportahan sila sa kanilang minimithi.
Ang ipinagmamalaki nilang TRP ay mayroong Olympic standard oval, tatlong volleyball courts, isang basketball court, may soccer and football fields, baseball at softball fields, isang grandstand at casitas o open dormitories para sa mga atleta.
May 20 taon na ang nakalilipas sapul ng huling maghost ang naturang probinsiya sa CLRAA bunga ng walang magamit na sports complex makaraang i-convert ang dating Urquico Grandstand bilang commercial area. (Christian Ryan Sta. Ana)
- Latest
- Trending