MANILA, Philippines - Pinatunayan ni Benjie Guevarra ang pagkakakilala sa kanya bilang pinakamahusay na snooker player ng bansa nang maghari ito sa 6-Red snooker event ng 2009 Snooker and Carom Challenge sa Billiards and Snooker Congress of the Philippines Academy sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
Si Guevarra, ang 2007 Southeast Asian Games silver medalist sa event, ay nanaig kay James Al Ortega, 4-1 sa kanilang finals showdown at maisukbit ang pangunahing premyong P4,000.
“Masaya ako sa pagkakaroon sa wakas ng snooker tournament matapos ang mahabang panahon, at mas lalong masaya ako dahil ako ang nanalo. Magandang preparasyon ito para sa SEA Games,” wika ng 30-year-old Guevarra, long-time national team mainstay at member ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP).
Napagwagian ni Guevarra ang unang tatlong frames na may 42 point average kontra sa 17.6 ni Ortega, SEAG bronze medalist.
At bagamat nakahabol si Ortega sa ikaapat na frame, natalo ito sa ikalima at deciding frame na nagbigay kay Guevarra ng tagumpay.
Sa third at fourth playoff, napagwagian ni SEA Games medalists Joven Alba ang apat na frames ng lima laban kay Luis Saberdo.
Samantala, nanaig naman si Reynaldo Grandea sa Carmon 1-carom cushion makaraang igupo si Luis Saberdo.
Makaraan ang limang oras na ball spins at placing, naungusan ni Grandea ng 7 puntos si Saberdo tungo sa pagbulsa ng titulo.
Si Grandea ang 2003 SEA Games medalist sa Balkline at 3-cushion carom events maging sa English billiards.