Pacquiao, pinapurihan ng mayor ng Los Angeles
MANILA, Philippines - Kagaya ng inaasahan, isa na namang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa bansa ang tinanggap kahapon ni Filipino boxing hero Manny Pacquiao mula kay Los Angeles Mayor Antonio Villaigosa at sa Southern California Filipino Community.
Sa ulat ng fightnews.-com, ang pagbibigay ng rekognisyon kay Pacquiao ay base sa kanyang “historic achievements inside the ring and for his philanthropic contributions outside the ring.”
Isa ring puno ang itinanim nina Pacquiao at Mayor Villaigosa bilang bahagi ng “Day of Service” na nakatuon sa Filipino Town sa Los Angeles, California.
Ang pagdalo ng 30-anyos na tubong General Santos City sa naturang okasyon ay bilang pagpapahalaga na rin sa kanyang mga kababayan na nakabase sa Los Angeles na inaasahang susuporta sa kanyang laban kay Briton Ricky Hatton sa Mayo 2 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Sinamantala na ni “Pacman” ang pagdalaw niya sa naturang lungsod sa pag-imbita sa kanyang mga kababayan at mga American fight fans.
“Watch my upcoming fight. I’m sure that everybody’s excited to see that fight. I promise you I’m gonna train hard to win that fight and bring honor to our country, especially the Filipino community here in LA,” wika ni Pacquiao.
Kasakuluyang naghahanda si Pacquiao, iniluklok ng Philippine Sports-writers’ Association (PSA) sa Hall of Fame, sa Wild Card Gym ni Freddie Roach sa Hollywood para sa kanyang laban sa 30-anyos na si Hatton.
Kaugnay nito, isang fight card naman ang pinaplano ng Platinum Promotions at Big Fish Boxing sa Mayo 1 sa 7,500-seater South Point Hotel Casino sa Los Angeles na magtatampok kay Filipino super bantamweight Balweg Bangoyan kontra kay Mexican Alejandro Perez.
Paglalabanan ng 22-anyos na si Bangoyan, may 13-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 7 KOs, at ni Perez (12-1-1, 7 KOs) ang World Boxing Council (WBC) International super bantamweight title. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending