MANILA, Philippines - Bumangon ang Purefoods mula sa pagkakalugmok sa regulation period upang igupo ang Rain or Shine sa overtime, 102-94 panalo sa Motolite PBA Fiesta Conference na ginanap sa Batangas City Sports Center.
Nagtulungan sina Peter Jun Simon, Don Allado, Kerby Raymundo at James Yap sa pagdeliber ng mga importanteng tira nang punan ng Giants ang maagang pagkawala ni mport Brian Hamilton bunga ng flagrant foul at ilista ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Nasira ang oportunidad ng Elasto Painters na maikamada ang 2-0 panimula sa torneo nang magmintis ang sana’y game-winning freethrows ni Rob Wainwright sa regulation at magkulapso naman ang koponan sa extra period.
Kumana ng 22 puntos si Allado habang nag-ambag naman ng 17 puntos si Simon kabilang na ang five-point run na nagbigay sa Giants ng 99-93 abante patungo sa pinal na minuto ng salpukan.
Nauna rito, patungo na sa kabiguan ang Giants nang humatak ito ng foul na naglagay kay Wain-wright sa freethrow line may 2.6 segundo pa ang nalalabi at tabla ang iskor sa 87-all.
Ngunit napressure si Wainwright at nagmintis sa dalawang charity shot na nagbigay sa Purefoods ng pagkakataong maagaw ang panalo sa regulation.
Ngunit nagmintis naman ang tangkang tres ni Yap na naging daan para sa overtime.
Sa extra period, nakontrol ng Giants ang laro nang magpaulan ng tatlong sunod na charities sina Roger Yap at Allado.
Napalabas naman ng laro si Hamilton dahil sa flagrant foul na hinatak nito nang ilabas niya ang paa sa jump shot ni Wainwright isang minuto pa lang ang nakakalipas sa ikaapat na quarter.
Samantala, ipaparada ng San Miguel Beer ang kanilang bagong import na si Gabe Freeman sa pakikipagtipan ng Beermen sa Burger King Titans sa pang-alas-3:50 ng hapon na laro sa Araneta Coliseum.