MANILA, Philippines - Nagtulung-tulong sina Ronjay Buenafe, Mark Macapagal, Asi Taulava at Alex Cabagnot upang punan ang pagkakatalsik ng kanilang import na si JJ Sullinger tungo sa 106-103 panalo ng Coca-Cola Tigers laban sa Barako Bull Energy Boosters sa pagpapatuloy ng Motolite PBA Fiesta Conference sa Cuneta Astrodome, kagabi.
Napatalsik si Sullinger bunga ng kanyang flagrant foul.
Nasayang ang 29 puntos na tinapos ng Barako Bull import na si Scooter McFadgon nang lasapin ng Energy Boosters ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan, makaraang yumuko sa Rain or Shine, 83-91 noong Linggo.
“The locals hung on despite the exit of Sullinger. Hopefully, this starts a streak for us. Every game counts as we’re playing only 14 games in the elims in this conference,” ani Coca-Cola coach Kenneth Duremdes.
Nanalasa sina Buenafe, Macapagal at Cabagnot na nagbigay sa Tigers na makabangon mula sa 54-43 pagkakalubog sa halftime. Nagtala ng 18 puntos si Buenafe habang nag-ambag naman ng 16 at 14 puntos sina Macapagal at Cabagnot, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, maghaharap naman ang Purefoods art Rain or Shine sa Batangas City para sa ikalawang out-of-town games.
Kasalukuyan naman naglalaban pa ang Barangay Ginebra at Burger King habang sinusulat ang balitang ito. (Mae)