MANILA, Philippines - Nakopo ni Patrick John Tierro ang huling finals berth para sa Philippine Davis Cup team nang magretiro si Johnny Arcilla sa ikaapat na set ng kanilang engkwentro sa men’s singles finals ng first Metro Open People’s Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.
Si Arcilla, Davis Cupper sapul noong 2000, ay umayaw dahil sa masakit na hamstring kung saan abante naman si Tierro, 7-6 (4), 1-6, 7-6 (5), 4-2.
Ang panalo ay nagbigay kay Tierro ng halagang P60,000 premyo at 600 ranking points at makasama sina Fil-Americans Cecil Mamiit at Treat Huey at Australian Open juniors doubles champion Francis Casey Alcantara para sa National team na lalaban sa first round tie kontra sa Hong Kong sa Asia-Oceania Zone Group II Davis Cup competitions sa March 6-8 sa Hong Kong.
Sina Alcantara at Huey ay pinili ng Philippine Tennis Association board habang si Mamiit naman at kinuha ni non-playing team captain Chris Cuarto.
Sina Cuarto, Alcantara at Tierro ay aalis bukas patungong Hong Kong kung saan makakasama nila sina Mamiit at Huey na mangsgagaling naman sa Los Angeles at Virginia, ayon sa pagkakasunod.