MANILA, Philippines - Ginulat ni 8th seed Anna Christine Patrimonio si 3rd pick Aileen Rogan, 6-2, 6-4 upang tanghaling kauna-unahang women’s singles titlist sa Metro Open People’s Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.
Si Patrimonio, anak ni four-time PBA Most Valuable Player Alvin Patrimonio, ay nagpamalas ng mahusay na groundstrokes at net attacks upang ibulsa ang kanyang kauna-unahang womens title sapul nang dumating ito mula sa tatlong taong pagsasanay sa Valencia, Spain.
Pinanatili ang serbisyo sa first set, magaan na nakakapit si Patrimonio sa titulo bagamat may ilang pangamba sa second frame nang maiwan ito sa 4-0 at 5-2 abante sa mahusay na drop shots ni Rogan.
Sinira ni Rogan ang serbisyo ni Patrimonio sa ikalimang game at mapanatili ito hanggang sa sumunod na game para sa 2-4 iskor. Matapos pigilan si Patrimonio sa 5-2 abante, bumangon si Rogan at kumuha ng break para magbanta sa 4-5.
Ngunit mabilis na nakarekober si Patrimonio at na-break si Rogan sa sumunod na game para sa match.
Nakakuha ng opening round bye si Patrimonio bago iginupo si Tamitha Nguyen, 6-4, 6-2, sinilat si second seed Michelle Pang, 7-6 (5), 6-7 (5), 6-4 at No. 5 Jessica Agra, 6-4, 6-2.
Nadoble ang tagumpay ni Patrimonio nang makopo din niya ang women’s doubles kapartner si Agra makaraang igupo ang tambalan nina Michelle Pang at Trudygine Amoranto, 4-6, 6-3, 6-3.
Samantala, kasalukuyang naglalaban pa sina top seed Johnny Arcilla at No. 2 pick Patrick John Tierro sa men’s singles finals, habang sinusulat ang balitang ito.