WBO title itataya ni Nietes kontra Ramirez sa Mexico
MANILA, Philippines - Nakataya ang kanyang world minimum-weight crown at ang karangalan ng bansa, sisikapin ni Filipino Donnie “Ahas” Nietes na maidepensa ang suot niyang World Boxing Organization (WBO) title laban kay Mexican challenger Erik Ramirez ngayon sa Auditorio Guelaguetza sa Oaxaca, Mexico.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na ipagtatanggol ni Nietes ang kanyang WBO minimumweight belt matapos umiskor ng isang second-round TKO kay Eddy Castro ng Nicaragua noong Agosto 30 ng 2008 sa Waterfront Hotel sa Cebu City.
“Siyempre, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko kasi alam naman natin na Mexico ang laban at Mexicano ang kalaban natin,” sabi ng 26-anyos na tubong Murcia, Bacolod City.
Tinalo ni Nietes, kasalukuyang nasa isang 10-fight winning streak, si Pornsawan Kratingda-enggym ng Thailand via unanimous decision para sa bakanteng WBO minimumweight title noong Setyembre 30 ng 2007 sa Waterfront Hotel.
Ibinabandera ni Nietes ang 23-1-3 win-loss-draw ring record kasama ang 14KOs, samantalang dala naman ng 26-anyos ring si Ramirez ang 25-5-1 (19 KOs) card.
Ang nag-iisang kabiguan ni Nietes ay nanggaling sa kanyang split decision kay Angky Angkota ng Indonesia noong Setyembre 28 ng 2004 sa Jakarta bago tinanghal na pang 33rd Filipino world champion noong 2007.
Bago nagtungo sa Mexico, nagmula muna si Nietes sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California kung saan siya sinanay ni American trainer Freddie Roach.
Sumasakay naman si Ramirez sa isang five-fight winning run makaraang matalo kay Lorenzo Trejo via seventh-round TKO noong Hulyo 13 ng 2007 para sa World Boxing Council (WBC) title eliminator bago makuha ang bakanteng WBO Latino belt via unanimous decision kay Jose Ortiz noong Setyembre 13 ng 2008. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending