Arcilla, Patrimonio umusad sa finals

Naglista ng impresibong panalo sina Johnny Arcilla at Anna Christine Patrimonio upang makapasok sa finals ng Metro Open People’s Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.

Bumangon mula sa opening set loss si Arcilla, men’s singles top seed, si Jaime Solon, 5-7, 6-1, 6-3, habang pinayuko naman ng 8th seed na si Patrimonio si No. 5 Jessica Agra, 6-4, 6-2.

Ang panalo ni Arcilla ang nagtulak sa kanya sa isang panalo para sa P65,000 premyo at awtomatikong puwesto sa Philippine Davis Cup team na makakalaban ang Hong Kong sa first round ng Asia-Oceania Zone Group II Davis Cup competitions sa Hong Kong.

Nakaharang sa kanyang daan ang sinuman kina second seed Patrick John Tierro o 4th seed Ralph Kevin Barte.

Si Tierro, na mainstay din ng Philippine team, at Barte ay kasalukuyang naglalaro pa para sa ikalawang finals seat habang sinusulat ang balitang ito.

Pumasok naman sa women’s singles finals si Patrimonio na nangailangan lamang ng 35 minutes upang idispatsa si Agra at naghihintay ng makakalaban sa magwawagi sa pagitan nina 3rd seed Aileen Rogan at Ma. Regina Santiago na naglalaban din para sa ikalawang finals seat.

Show comments