Padilla kuwalipikado na sa Laos SEA Games
Nahigitan ni National champion Nathaniel ‘Tac’ Padilla ang gold-medal performance ni Ruengpanyawut Opas ng Thailand kamakailan at maging kauna-unahang shooter na nag-qualify para sa Philippine team na isasabak sa Laos Southeast Asian Games ngayong taon.
Nasikwat ng 44-anyos na si Padilla ang kanyang ika-16th SEAG stint sa pagputok ng 572 puntos sa rapid fire pistol event sa isinagawang buwanang qualifying competition sa PSC/Marines range sa Taguig City.
Ang inilistang tama ni Padilla ay kapos lamang ng isang puntos para sa kanyang national mark na kanyang naiposte noong nakaraang taon na tournament na inorganisa ng Philippine National Shooting Association sa pangunguna ni Arturo R. Macapagal.
Tinalo ni Padilla sina Roberto Donalvo ng 32 puntos at ang kanyang kapatid na si Donald ng 34 puntos.
Umangat naman sina Carolino Gonzales, Ruth Ricardo at Edwin Fernandez sa men’s air pistol, women’s air pistol at men’s 50-meter rifle (prone) events, ayon sa pagkakasunod, subalit lahat sila ay nabigo at na-kakuha lamang ng silver medal criteria ng nakaraang taong SEAG na magkatulong na idinaos ng Philippine Olympic Committee at ng Philippine Sports Commission.
- Latest
- Trending