Apat na araw bago ang pagbubukas ng 2009 PBA Fiesta Conference, may ba-gong import nang maipaparada ang Purefoods Tender Juicy.
Ibinunyag kahapon ni head coach Ryan Gregorio ang pagkakakuha ng Giants kay Brian Hamilton bilang reinforcement makaraang mabalian ng kanyang daliri sa kaliwang kamay si Reggie Larry sa kanilang tune-up game ng San Miguel Beermen noong nakaraang linggo.
“He is a six-foot-six, and a 205-pound player that can play center and power forward,” sambit ni Gregorio kay Hamilton, naglaro para sa Utah Flash sa National Basketball Developmental League (NBDL).
Sa kanyang huling kampanya para sa Louisiana-Lafayette Ragin’ Cajuns noong 2004-2005 NCAA season, naglista si Hamilton ng mga averages na 13.7 puntos, 7.6 rebounds, 2.4 steals, 1.7 assists at 1.2 shotblocks per game.
Katulad ng Purefoods, nagpalit na rin ng kanilang import ang Sta. Lucia matapos magkaroon ng injury sa kanyang kanang mata si Arthur James Jackson sa isa nilang ensayo.
Sa pagpapauwi sa bagitong si Jackson, tuluyan namang nakuha ng Realtors si 6’5 Anthony Johnson na naglaro para sa Coca-Cola Tigers sa 2007-2008 Fiesta Conference kung saan siya nag-ipon ng 29.6 puntos, 14.4 rebounds at 2.1 assists.
Matapos magbida para sa Coke, tinulungan naman ng 29-anyos na si Johnson ang Sta. Lucia sa pagangkin sa second place trophy sa 2007 Brunei Cup.
Ang Realtors ni mentor Boyet Fernandez ang unang isasalang sa 2009 PBA Fiesta Conference sa Pebrero 28 sa Dumaguete City kontra Burger King, dating Air21, ni Yeng Guiao na magbabandera namang muli kay Shawn Daniels. (Russell Cadayona)