Lamang sa boxing skills si Pacquiao kaysa kay Hatton
Kung boxing skills lamang ang pag-uusapan, mas nakalalamang si Manny Pacquiao kay Ricky Hatton.
Sa panayam kahapon ni Dennis Principe sa kanyang ‘Sports Chat’ program sa DZSR Sports Radio kay Juan Diaz mula sa Houston, Texas, sinabi ng dating world lightweight champion na kayang talunin ni Pacquiao si Hatton sa kanilang world light welterweight championship sa Mayo 2 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
“We all know that he has the power and throughout the years he has improved his boxing skills. And I think that will take him to a win against Ricky Hatton,” wika ni Diaz, ang dating World Boxing Association (WBA), World Boxing Organization (WBO) at International Boxing Federation (IBF) lightweight titlist kay Pacquiao.
Ayon sa 25-anyos na si Diaz, magiging madali para sa 30-anyos na si Pacquiao ang pagpapabagsak sa kaedad nitong si Hatton, ilalatag ang kanyang International Boxing Organization (IBO) light welter-weight belt at ang Ring Magazine title.
“Ricky Hatton is just a one-dimensional fighter who always comes forward, and Manny Pacquiao will just expose that and win the fight,” sabi ni Diaz, tinalo ni Nate Campbell via split decision para sa suot nitong WBA, WBO at IBF lightweight belts noong Marso 8 ng 2008 bago nanalo kay Michael Katsidis sa kanyang pagbabalik noong Setyembre 6.
Bago umiskor ng isang eight-round TKO kay Oscar Dela Hoya noong Disyembre 6, inagawan muna ni Pacquiao si David Diaz ng hawak nitong World Boxing Council (WBC) lightweight crown via ninth-round TKO noong Hunyo 26.
Nakatakda namang harapin ni Diaz si Mexican Juan Manuel Marquez, hinubaran ni Pacquiao ng WBC super featherweight belt via split decision noong Marso 15, sa Pebrero 28 sa Toyota Center sa Houston, Texas.
Nakataya sa Diaz-Marquez fight ang nabakanteng WBO at WBA lightweight titles ni Campbell, hinubaran ng nasabing mga korona bunga ng pagiging overweight sa kanyang split decision win kay Ali Funeka ng South Africa, at ang IBO belt.
Tangan ni Diaz ang 34-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs, ang isa ay kay Filipino Randy Suico noong Hulyo 15 ng 2007, kumpara sa 49-4-1 (36 KOs) ni Marquez. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending