MANILA, Philippines - Sa kabila ng halos walang tigil na pagtakbo ni Mexican German Meraz sa kabuuan ng banggaan, nasiyahan pa rin si Filipino world bantamweight champion Gerry Peñalosa sa nasabing laban kamakalawa ng gabi sa Cebu Coliseum.
Isang unanimous decision ang iniskor ng 36-anyos na si Peñalosa kontra sa 22-anyos na si Meraz sa kanilang ten-round, non-title fight.
“Masaya na rin ako sa resulta ng fight namin kahit na parang ayaw akong labanan ni Meraz,” wika ni Peñalosa, ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) bantamweight titlist, na may 54-6-2 win-loss-draw ring record ngayon kasama ang 36 KOs kumpara sa 24-8-2 (14 KOs) slate ng Mexican.
Ayon kay Peñalosa, tubong San Carlos City, Cebu, magandang tune-up fight ang nasabing laban niya kay Meraz bilang preparasyon sa kanyang paghahamon kay WBO super bantamweight king Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico sa Abril.
“Siyempre, kailangan talaga nating maganda ‘yung kondisyon natin before facing Juanma Lopez. Alam natin ang lakas at husay niya, kaya kailangan talagang full concentration tayo sa training,” sabi ni Peñalosa.
Sa kanyang laban kay Meraz, napabagsak ni Peñalosa ang Mexican sa second round matapos kumonekta ng isang left straight bago napadugo ang ilong ng huli sa sixth round.
Tinapos ni Peñalosa ang sagupaan nila ni Meraz mula sa nakolektang 100-89, 100-89 at 99-90 puntos.
Samantala, tinalo naman ni Rolando “Smooth Operator” Magbanua (12-0) si Mexican Jose Angel Cota (8-4) via sixth-round TKO para sa WBO Interim Oriental bantamweight title. (Russell Cadayona)