DUBAI -- Dinomina ang first set, tinalo ni Venus Williams ang kanyang kapatid na si Serena, 6-1, 2-6, 7-6 (3), upang umabante sa finals ng Dubai Championships dito.
Makakasagupa ni Venus para sa titulo si unseeded Virginie Razzano ng France na bumigo naman kay Kaia Kanepi ng Estonia, 6-1, 6-2, sa isa pang semifinals match.
Dalawang double-fault ng world number one na si Serena ang nagbigay kay Venus ng 1-0 lead patungo sa paglilista ng 4-1 abante sa first set.
Sa third set, nakuha naman ni Serena ang 2-1 lamang kasunod ang pagsagip sa tatlong break points galing sa kanyang mga inihataw na aces hanggang maisuko ang pang apat na break point.
“It was definitely a finals-quality match,” sabi ng No. 6 ranked na si Venus, nakabalik sa top five sa unang pagkakataon matapos noong Agosto ng 2003.
“Obviously, winning a match that close is satisfying, especially against the top-ranked player. Of course, when I walk on to the court with Serena I have respect for her, so that’s obviously the best part about winning,” dagdag pa nito.
Aminado naman si Serena sa kanyang pagkatalo.
Sa Memphis, Tennessee, binigo naman ni top-seeded Andy Roddick si Sam Querrey, 6-4, 3-6, 6-3, sa semifinal round ng ATP RMK Championships dito.
Makakasagupa ni Roddick sa semifinals si dating No. 1 Lleyton Hewitt, iginupo si Belgian veteran Christophe Rochus, 6-2, 6-3.
Sa isa pang semifinals duel, makakatapat ni No. 5 Radek Stepanek ng Czech Republic si Dudi Sela ng Israel.
Tinalo ni Stepanek si No. 2 Juan Martin del Potro ng Argentina, 7-6 (7), 6-4, habang ginitla naman ni Sela si Igor Kunitsyn ng Russia, 4-6, 6-4, 6-2, sa kani-kanilang quarterfinals matches.