MANILA, Philippines - Bukod sa ginaganap na 33rd National Milo Marathon, dalawa pang bigating foot race ang nakahanda para sa mga running enthusiasts at competitive runners sa Metro Manila sa susunod na buwan.
Sa Marso 8, idaraos ang 10th annual DZMM Takbo Para sa Kalikasan sa Quirino Grandstand sa Manila.
Ang benefit run na ito ay inaasahang hahatak ng 5,000 runners sa 10K, 5K, at 3K events kung saan ang kikitain ay makakatulong sa rehabilitasyon ng La Mesa Watershed na nagbibigay ng tubig sa may 12 milyong residente sa Metro Manila.
May nakalaang tropeo, medalya at cash prizes na nagkakahalaga ng kabuuang P80,000 ang naghihintay para sa mga magwawagi.
Sa Marso 22 naman, isa pang benefit race ang gaganapin sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Ito ay ang Condura Run for the Whale Sharks of Donsol kung saan may inaasahang 5,000 ang lalahok na kabibilangan ng mga nagwagi noong nakaraang taon.
Ang Condura run ay may 3K, 5K, 10K at 21K events. Ang mga runners na lalahok sa 21K ay makakaranas ng pagtakbo sa Skyway sa kauna-unahang pagkakataon at kauna-unahan din sa kasaysayan ng road racing.
Ang pagpapalista sa DZMM Takbo Para Sa Kalikasan at Condura Run for the Whale Sharks of Donsol ay tinatanggap na sa ground floor ng Vasquez Madrigal Bldg. sa 51 Annapolis St. sa Greenhills San Juan City.
Ang registration fee para sa DZMM Takbo Para Sa Kalikasan ay P150 na may kasamang running singlets kapag nagparehistro na at ang lahat ng magtatapos sa karera at tatanggap naman ng sertipikasyon.
Sa kabilang dako, ang entry fees para sa Condura Run ay P500 para sa 21K at P300 para sa 3K, 5K, at 10K events. Isang one-size commemorative Condura Run for the Whale Sharks shirt ang ipamamahagi naman sa lahat ng partsipante sa kanilang pagpaparehistro. Para sa mga interesado, maaaaring mag login sa www.condurarun.com para sa impormasyon.