Sa ikatlong taon, muli na namang nagtambal ang San Miguel Corporation at ang Philippine Sportswriters Association (PSA) sa pagbibigay parangal sa mga top sports personalities noong 2008 sa gaganaping SMC-PSA Annual Awards Night sa darating na Biyernes sa Alegria Lounge ng Manila Pavilion Hotel.
Unang sinelyuhan ang naturang partnership noong 2007, at ito ay mabilis na lumago sa mga sumunod pang taon at maituturing na matagumpay ang pagdaraos ng annual rite sa nakalipas na taon.
Ang nasabing kumpanya ang siyang naglalaan ng mga pagkain at inumin kung saan ang kumpanyang ito ay patuloy ring sumusuporta sa Philippine sports.
At sa ilalim ng Chairman at Chief Executive Officer (CEO) na si Eduardo ‘Danding’ Cojuangco, ang San Miguel ang long time backer ng sports sa bansa, sinusuportahan ang maraming national team’s sa mga major international stints at kasabay nito ang pagpo-pondo sa preparasyon at training ng mga Filipino athletes’ sa abroad.
Noong 2005, pinagkalooban ng PSA ang SMC sa ilalim ng President at Chief Operating Officer (COO) na si Ramon S. Ang, ng Sports Patron Award dahil sa pagpopondo ng halos kalahati ng Team Philippines sa kanilang training para sa RP Southeast Asian Games, na nagbigay sa bansa ng maksaysayan at kaunaunahang overall title sa nasabing biennial meet.
“The PSA takes pride in having San Miguel Corporation through Chairman Eduardo ‘Danding’ Cojuangco, President and COO Ramon S. Ang and sports director and executive Robert Non bilang major partner sa pagdaraos ng Annual Awards Night for the third straight time,” ani Aldrin Cardona, sports editor ng Daily Tribune at kasalukuyang PSA president.
Patitingkarin ni Manny Pacquiao ang nasabing pagtitipon sa Pebrero 20 sa paggawad sa boxing sensation at kasalukuyang world’s best pound-for-pound fighter ng 2008 Athlete of the Year award. Kasabay ng kanyang pagtanggap ng nasabing award, itataas rin siya sa PSA Hall of Fame.
Ang iba pang aagaw ng pansin sa annual rite na magsisimula ng alas-8 ng gabi at hatid ng Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR) ang 11 major awardees, na kinabibilangan nina golfers Jennifer Rosales, Dorothy Delasin, Dottie Ardina at Angelo Que, wushu bet Willy Wang, chess whiz Wesley So, pro cager Kelly Williams, world champion Nonito Donaire, champion jockey Jonathan Hernandez at multititled horses Ibarra at Go Army.
Igagawad naman ang PSA Presidents Award kay Senador Manny Villar, ang Outstanding National Sports Association (NSA) Award sa Wushu Federation of the Philippines at ang Tony Siddayao awards sa batang atleta na sina Norberto Torres at golfer AR Ramos.
Tinatayang 27 personalities at entities ang tatanggap ng citations sa pangunguna ng RP team sa Beijing Olympics.