MANILA, Philippines - Hindi puwedeng biruin ng nagtatanggol na kampeong Xavier School ang St. Jude Catholic School sa best-of-three finals ng 39th Yakult Metro Manila Tiong Lian Basketball Association na magsisimula bukas sa UNO High School Gym.
Oo’t winalis ng Stallions ang elims at pagkatapos ay walang hirap na tinalo ang St. Stephen High sa semis ng torneong sinusuportahan ng PG Flex Linoleum at Outlast Batteries at ipinalalabas sa Makisig Network Sky Cable channel 76 at 82. Subalit alam nilang gutom ang St. Jude at determinado ding mapanalunan ang kauna-unahang titulo buhat nang maging miyembro ng liga noong 2003.
Kaya naman umaasa si Xavier coach Lito Vergara na hindi magkukumpiyansa ang Stallions at ibubuhos ang buong lakas sa Finals. Kay dating national youth player Jeric Teng pa rin aasa ang Xavier subalit kailangang makapag-ambag din ang iba niyang kakampi.
Isa sa inaasahan ni Vergara na magpakitang-gilas ay si Jose Anton Manuel, isang third year player. Ang 6’0 na si Manuel ay makikipagduwelo sa malalaking manlalaro ng St. Jude sa shaded area.
Si Manuel, na nagdiwang ng ika-16 kaarawan niya noong Setyembre 22, ay isang masipag na rebounder na puwede ding pumuntos sa perimeter. Iniidolo niya si Gary David ng Burger King sa PBA. Nais niyang mag-improve ang kanyang leadership at passing skills dahil alam niyang puwede siyang maging main man ng team sa susunod na taon pagka-graduate ni Teng.
Ang St. Jude Catholic School ay nangulelat sa elims subalit nakarating sa Finals matapos na magwagi nang dalawang beses laban sa Grace Christian College sa quarterfinals at manalo sa UNO High sa semis.