MANILA, Philippines - Pangungunahan ng mga miyembro ng Philippine Team na lumahok sa Beijing Olympics ang 27 atleta at entities na bibigyan ng citation sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa February 20.
Sa kabila ng kabiguan ng 15-man RP squad na makapag-uwi ng medalya sa anumang sports sa Olympiad, pararangalan pa rin sila ng pinakamatandang media organization sa dalawang oras na seremonya na gaganapin sa Alegria Lounge ng Manila Pavilion Hotel.
Ang mga bumubuo sa Olympic team ay sina boxer Harry Tañamor, taekwondo jins Mary Antoinette Rivero at Tshomlee Go, divers Sheila Mae Perez at Ryan Rexel Fabriga, shooter Eric Ang, weightlifter Hidilyn Diaz, tracksters Henry Dagmil and Maristella Torres, archer Mark Javier at sina swimmers Miguel Molina, Ryan Arabejo, Daniel Coakley, James Walsh at Christel Simms.
Kabilang din sa mga tatanggap ng citation sa naturang Awards Night na hatid ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay ang mga wushu medalist sa Beijing Special event, Harbour Centre owner at basketball godfather Mikee Romero, cager Jayson Castro, Grandmasters Jayson Gonzales at John Paul Gomez, NCAA three-peat titlist San Beda, UAAP senior at junior basketball team champions Ateneo, Blue Eagle Rabel Al Hussaini at si world champion Gerry Peñalosa ay kabilang sa bibigyan ng citations sa Awards Night na hatid ng Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR).
Samantala, ang sikat na trimedia personality na si Ed Piczon at ang magandang broadcaster na si Patricia Bermudez-Hizon ang siyang maghohost ngayong taong affair na suportado rin ng Villar Foundation, Senator Francis ‘Chiz’ Escudero, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Shakey’s, Accel, PBA, PBL, NCRAA, PCSO, SBP, Purefoods, Ginebra, Alaska, Sta. Lucia, Rain or Shine, Ever Bilena, Harbour Centre, Liga Pilipinas, Secretary Lito Atienza, Pharex, GAB at Mighty Sports Association.
Babanderahan naman ni Manny Pacquiao ang listahan ng 59 sports na pararangalan para sa taong 2008. Ang boxing hero mula sa General Santos City ang tatanggap ng Athlete of the Year Award at pormal rin siyang iluluklok sa PSA Hall of Fame.