BUKOD sa hangaring mapagkampeon ang Talk N Text, marahil ay mayroon ding pansariliring dahilan sina Mark Cardona at Jimmy Alapag na makapagpakitang-gilas nang husto sa katatapos ng KFC-PBA Philippine Cup.
Malaki ang papel na ginampanan ng dalawang manlalarong ito sa kabuuan ng torneo at lalo na sa best-of-seven championship series. Hindi maitatatwa na sila ang 1-2 puch ni coach Vincent “Chot” Reyes. Si Cardona ang leading scorer ng team samantalang si Alapag naman ang siyang nagtitimon sa koponan at nagbibigay ng direksyon sa kanilang plays.
Undeniably, silang dalawa ang top players ng Philippine Cup!
Curiously, hindi kasama sina Cardona at Alapag sa 14-man pool na binuo ni national coach Joseller “Yeng” Guiao at ng panel of coaches na namili.
Hindi naman natin sinasabing mali ang naging selection. Kasi nga, nang binubuo ang pool, halos nasa bottom half ng standings ang Talk N Text. Marahil, kung ngayon bubuuin ang selection, makakasama sina Cardona at Alapag. Pero nabuo na iyon ilang buwan na ang nakalilipas.
Wala namang ESP sina Guiao na nagbigay sa kanila ng kaalaman ng kung ano ang mangyayari sa katapusan ng torneo, e.
Sa isang yugto ng elimination round kung saan nagwagi ang Talk N Text laban sa Red Bull, na dating hinahawakan ni Guiao, ay nagparamdam si Cardona. Matapos na magwagi ang Tropang Texters ay sinabi niya na nais nga niyang maging miyembro ng pool at umasa siya na dahil maganda ang kanyang ipinakita ay mag-reconsider pa si Guiao.
Pero hindi naman kaagad magagawa iyon at ang kanyang mga kaagaw sa pusisyon ay sina James Yap, Willie Miller at Cyrus Baguio.
Sa panig ni Alapag, medyo masakit ang mawala sa RP team lalo’t iisiping miyembro siya ng national squad na lumahok sa FIBA Asia Men’s championship sa Tukoshima, Japan dalawang taon na ang nakalilipas. Bata pa naman si Alapag at kaya pa naman niyang magsilbi sa bansa.
Pero siyempre, naiintindihan din naman ng lahat na may sariling plano si Guiao. Kung titignang maigi ang komposisyon ng 14-man pool, makikitang matatangkad ang mga manlalarong kinuha para dito.
Marahil, kinukunsidera ni Guiao at ng coaching staff ang match-ups sa international competitions kung kaya’t medyo matatangkad ang point guard na pinili nila. At iyon ang dahilan kung bakit na-etsapuwera si Alapag.
Well, hindi man sila naging miyembro ng 14-man pool, magiging memorable na rin ang season na ito para kina Alapag at Cardona dahil sa nagkampeon naman sila sa Philippine Cup.