Sa loob ng tatlong taon lamang, nakuha ng hineteng si Jonathan Hernandez ang top jockey award habang ang mga kabayong sina Ibarra at Go Army ay maghahati sa horse of the year award upang samahan ang iba pang nasa listahan ng major awardees na paparangalan ng Philippine Sportswriters Association sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (PSA) Awards Night sa Feb. 20 sa Manila Pavilion.
Ang 31-gulang na si Hernandez ang nanguna sa money winnings at pinakamaraming panalo para talunin si Jesse Guce at many-time winner Patti Dilema para sa jockey of the year plum na una niyang nakuha noong 2006.
Sa kaunaunahang pagkakataon sa kasaysayan ng asosasyon ay dalawang kabayo ang paparangalan na sina Go Army at Ibarra.
Walang talo ang dalawang taong gulang na kabayong si Go Army, pagmamay-ari ni businessman Hermie Esguerra, matapos nitong pangunahan ang 10-sunod na karera para sa P4,478,112 money winnings.
Nakabalik ang 4-taong gulang na si Ibarra sa minor leg injury at pinagwagian nito ang malalaking karerang 36th Presidential Gold Cup at Ambassador Danding Cojuangco Cup na ikinatuwa ni owner Mandaluyong City mayor Benhur Abalos dahil sa kanyang napanalunang P3 million.
Umani naman si Hernandez ng P41, 896,124 sa money winnings mula sa kanyang 187 victories sa 651 rides.