Umuwi si Roland Dantes sa Pilipinas upang balikan ang isang pangarap.
Nang umalis siya halos dalawang dekada na ang lumipas, iyon ay dahil sa sama ng loob sa pagpapatakbo ng arnis sa Pilipinas. Namalagi siya sa Australia, kung saan lumaganap ang kanyang pagtuturo ng arnis sa maraming bansa.
Baon ni Dantes ang kaalaman sa tunay na yamang kultura ng mga Pilipino sa nilalaman ng arnis. Dahil ipinagbabawal ng mga Kastila na humawak ng espada ang mga Pilipino, nilikha nila ang kali at escrima bilang pamalit. Ang arnis naman, sa paggamit ng simpleng kawayan o kahoy, ay mabilis na sumunod. Sa katunayan, isa daw si Gabriela Silang sa mga unang dalubhasa sa kali, kaya lahat ng dibuho niya ay may hawak na patalim.
Nakalulungkot lamang gunitain na, habang yumabong ang tinatawag ngayong FMA (Filipino Martial Art) sa ibang bansa, sa bansang pinagmulan niya, nanahimik.
“If you look at the history of arnis and its precursors kali and escrima, it’s part of the noble warrior tradition of the Filipino,” sabi ni Dantes, miyembro ng Hall of Famer sa body-building at martial arts. “Ano na ang nangyari dito sa atin? Wala.”
Bagamat may mga grupong nagtatag ng matagumpay na mga torneo - lalo na sa Visayas - matagal nang walang malakihang torneo na sumakop sa buong bansa. Halos dalawampung taon na ring nahati ang grupo ng arnis.
“I’ve been fighting a lonely battle to get arnis into the physical education curriculum, pero mahirap,” dagdag ni Dantes, na bida sa ilang pelikula matapos siyang pumang-apat sa Mr. Universe na pinanalunan ni Arnold Schwarzenegger. “Bakit may karate (na galing sa Hapon) at taekwondo (na galing sa Koreano)? Why not a true Filipino fighting art?”
Sa pangambang di maipapasa sa susunod na henerasyon ang kanilang kaalaman, binuo ni Dantes ang Philippine Council of Kali, Escrima and Arnis Masters (PCKEAM), upang mabigyan ng bagong buhay ang martial arts na Pinoy. Una nilang tatangkain ang isang national tournament, na susundan ng isang world invitational, upang makita natin kung gaano kalayo na ang narating ng ibang bansa.
“The Italians are very good,” paglinaw ni Dantes. “The Australians have also become very strong. In the forms competition,other European countries have blended the kata with their own folk dances. It’s very beautiful to watch.”
Ipinangako ni Dantes na gagawin niya ang lahat upang palakasing muli ang arnis.
“Bakit ang ibang sport gaya ng muay thai ay bahagi ng SEA Games, pero ang arnis, nilalaro lang pag dito sa Pilipinas?” tanong niya. “If you look around you, the policemen and barangay tanods all carry batons.
That is a huge potential talent pool, and a big force for peace and order. Even children can do arnis. They can master the movements without hitting or being hit. It teaches discipline and respect.”
Oo nga naman.