Kahit na nakuha na ni Wesley So ang kanyang Grandmaster norm, hindi pa rin siya tumitigil sa pag-angat.
Tuluy-tuloy ang pananalasa ng pinakabatang grand-master sa buong mundo noong 2008 sa kanyang sunud-sunod na tagumpay kabilang ang bigating Dubai Open Chess Championship.
Nakuha din niya ang gold medal sa Board 1 sa World Under-16 Chess Olympiad sa Mersin, Turkey, kung saan pinangunahan niya ang four-man Philippine team sa kanyang third place finish.
Dahil sa kanyang sunud-sunod na tagumpay, paparangalan si So bilang major awardee sa chess sa San Miguel Corporation-Philippine Sports-writers Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa Alegria Lounge ng Manila Pavilion Hotel sa Feb.20.
Ang high school student mula St. Francis of Assisi-Bacoor ay kasama sa maigsing listahan ng mga atletang paparangalan ng major award ng pinakamatandang media organization na binubuo ng mga editors at sportswriters mula sa iba’t ibang national broad-sheets at tabloids.
Ang iba pang tatanggap ng major award sa annual awards rite na sponsored ng Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR) ay sina wushu artists Willy Wang, PBA cager Kelly Williams at golfers Jennifer Rosales, Dorothy Delasin, Angelo Que at Dottie Ardina.
Nangunguna sa listahan ng paparangalan ng PSA para sa taong 2008 ay ang boxing hero na si Manny Pacquiao, na tatanggap ng Athlete of the Year trophy.
Ang 30-gulang na si Pacquiao ay nagtagumpay sa kanyang tatlong laban noong nakaraang taon, ang pinakamalaking panalo nito ay ang kanyang eight round domination kay Oscar De La Hoya.
Ang boxing icon ay iaangat din sa PSA Hall of Fame na siyang highlight ng simpleng two-hour ceremony na suportado ng Villar Foundation, Senator Francis ‘Chiz’ Escudero, PSC, POC, Shakey’s, Accel, PBA, PBL, NCRAA, ICTSI, Smart, Purefoods, Ginebra, Sta. Lucia, Alaska, Rain or Shine, Ever Billena, Harbour Centre, SBP, Secretary Lito Atienza, Pharex, Liga Pilipinas, Games and Amusements Board (GAB) at Mighty Sports Association.
Sunud-sunod ang panalo ni So sa loob lamang ng isang buwan nang una nitong makopo ang Dubai Open kung saan nakatabla niya sa No. 1 sina GMs Li Chao (China), Eshan Ghaem Maghami (Iran) at Merab Gagunashvili ng Azerbaijan,ngunit nakuha niya ang $6,000 prize money dahil sa higher tiebreak score.
Tinalo rin niya si Indonesian GM Susanto Megaranto (4-2) sa kanilang one-on-one show-down sa Jakarta at ang kanyang tagumpay sa 12-player tournament na Battle of GMs chess championship.