RP may malakas na tsansa sa Laos: Thailand apektado ng krisis
May nakikitang bentahe ang Philippine Olympic Committee (POC) sa kasalukuyang global economic slowdown kaugnay sa darating na 25th Southeast Asian Games sa Laos.
Sinabi kahapon ni Chef De Mission Mario Tanchangco ng sepak takraw na ikatlo ang Thailand sa mga bansang inilista ng Newsweek na dumaranas ng kahirapan.
“Laos has been very vocal that despite being host, its only target is to win 25 gold medals, this year being the 25th staging of the Games,” ani Tanchangco sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura, Manila. “Ang Thailand, nasa top three sa listahan ng mga naghihirap na bansa, ayon sa latest edition ng Newsweek. “
Bunga nito, inaasahan ni Tanchangco na makakaapekto sa paghahanda ng Thailand para sa 2009 Laos SEA Games ang kanilang problema sa ekonomiya.
Ang Thailand ang tinanghal na overall champion sa 2007 SEA Games na idinaos sa Nakhon Ratchasima mula sa nakuhang 183 gold medals kasunod ang Malaysia (67) at Vietnam (64).
Matapos namang kilalanin bilang overall titlist noong 2005, nahulog sa pagiging sixthplacer ang Team Philippines sa naiuwing 41 gintong medalya sa 2007 Thailand SEA Games.
“Besides, ang Thailand, kapapalit lang nila ng kanilang lider kaya magulo pa at malamang hindi naaasikaso ang training ng kanilang atleta,” ani Tanchangco.
Katulad ng Thailand, nakadepende rin ang ekonomiya ng Vietnam, ang 2003 SEA Games overall king, sa turismo.
“Vietnam’s economy is dependent on its tourisms industry and because of economic slowdown, medyo naghihirap din,” dagdag ni Tanchangco. “So, ang mangyayari nyan, kung ang Laos ay 25 gold medals lang ang target, magiging free-for-all na doon sa matitirang some 375 gold at stake.” (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending