Sino ang kakatok sa pintuan ng kampeonato?

Alam na ng Magnolia kung ano ang kanilang gagawin para pigilan ang Harbour Centre matapos ang kanilang 84-80 panalo sa Game-2 ng kanilang titular series sa 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup.

Hangad nilang masundan ang panalong ito sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Ynares Sports Arena sa Pasig upang makalapit sa titulo sa alas-2:00 ng hapon sa Game-3 ng serye.

Nakabawi ang Wizards sa 71-84 pagkatalo sa opening game ng kanilang best-of-five titular series sa kanilang nakaraang tagumpay na nagtabla ng serye sa 1-all.

Umaasa si Magnolia coach Koy Banal na muling maipapakita ng kanyang mga bata ang disiplina at ang kanilang mahusay na depensa na naging epektibo upang pigilan ang running game ng Harbour Centre.

Inaasahang ang nakaraang panalo ng Wizards, ang una sa kanilang apat na pakikipagharap sa mga Batang Pier sa season na ito, ay magbibigay sa kanila ng kumpiyansa sa kanilang laban ngayon.

Hindi maaasahan ngayon ng Magnolia si forward Dylan Ababou na nabalian ng buto sa ilong na nahampas ni PJ Barua sa kanilang nakaraang laban ngunit naririyan pa rin si Neil Raneses na maaasahan ni coach Banal.

Kaya kailangang makaisip ng paraan si Harbour Centre coach Jorge Gallent at ang kanyang tropa na pigilan ang 6-foot-4 na si Raneses na gumawa ng 25-puntos upang makabawi sa kanyang masamang performance noong Game-1 kung saan nalimitahan siya sa dalawang puntos lamang sa kanyang 1-of-8 shooting.

Batid ni Gallent na kakaibang level ng paglalaro ang ipinamalas ng Magnolia kaya inaasahan niyang mas magiging intensibo ang laban. (Mae Balbuena)

Show comments