Kung mayroon mang bagay na ginamit ang Tropang Texters upang makabangon mula sa isang 0-2 deficit, ito, ayon kay head coach Chot Reyes, ay ang kanilang matinding depensa kontra Aces.
“Our defense is really keying our victories. In the last two games we were able to play defense. I think that was the key,” wika ni Reyes sa 92-73 at 100-98 panalo ng Talk ‘N Text sa Alaska sa Game 3 at Game 4, ayon sa pagkakasunod, upang itabla sa 2-2 ang kanilang best-of-seven championship series para sa 2008-2009 PBA Philippine Cup.
Sa kabila naman ng dalawang sunod na kabiguan ng Aces, kumpiyansa pa rin si Cone sa kanilang tsansang makuha ang korona.
“It’s still 2-2,” ani Cone sa 1996 Grand Slam champions na tumipa ng 102 panalo sa Game 1 at 100-91 tagumpay sa Game 2 upang ilista ang matayog na 2-0 abante sa kanilang serye. “It’s now a best-of-three series. This is the way a championship should be. We’re here to compete, put our best on the floor.”
Nakataya ang 3-2 bentahe sa serye, magsasagupa ang Alaska at ang Talk ‘N Text sa Game 5 ngayong alas-7 ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Wala nang inaasahang sorpresa si Reyes sa kanilang serye ni Cone.
“It’s now a battle of wills. No more secrets, no more surprises for both camps,” wika ni Reyes, naging assistant ni Cone sa Alaska at sa PBA Centennial team sa Asian Games sa Bangkok, Thailand noong 2002 . “It’ll come down to which team wants it more.” (Russell Cadayona)