Serye naitabla ng Magnolia
Nangyaring muli ang ginawang pagbangon ng Magnolia Purewater mula sa 0-1 pagkakaiwan sa isang best-of-five series.
Nakahugot ng game-high 25 puntos, 5 rebounds, 3 shotblocks, 2 assists at 2 steals kay Neil Raneses at 17 marka kay Eder Saldua at 10 kay pointguard JP Alcaraz, tinalo ng Wizards ang five-time champions Harbour Centre Batang Pier, 84-80, sa Game 2 ng 2009 PBL PG Flex Cup Finals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang nasabing tagumpay ang nagtabla sa Magnolia sa kanilang best-of-five championship series ng Harbour Centre, nanalo sa Game 1 via 84-71 win noong Martes, sa 1-1.
“Just like nu’ng Game Four sa semis namin ng Bacchus, we just tied the series. There’s nothing special about it,” sabi ni coach Koy Banal sa 3-2 pananaig ng kanyang Wizards sa kanilang best-of-five semifinals series ng Energy Warriors patungo sa kanilang titular showdown ng Batang Pier.
Makaraang idikit ng Harbour Centre ang labanan sa 76-78 mula sa isang threepoint shot ni Edwin Asoro sa huling 38.4 segundo sa final canto, dalawang freethrows naman ang isinalpak ni Leo Losentes para sa 80-76 lamang ng Magnolia sa natitirang 27.1 tikada.
Huling nakalapit ang Batang Pier, hangad ang kanilang pang anim na sunod na korona sa kanilang ikaanim na dikit na finals appearance, sa 78-80 galing sa basket ni Jerwin Gaco kasunod ang jumper ni Raneses sa huling 16 segundo para sa 82-78 abante ng Wizards.
Bago ito, isang 14-5 bomba muna ang inihulog ng Magnolia sa likod nina Raneses, Saldua, Alcaraz at Dylan Ababou para iposte ang 54-46 kalamangan sa 3:21 ng third period buhat sa 40-41 agwat sa Harbour Centre sa halftime.
Itinala ng Wizards ang pinakamalaki nilang bentahe sa 61-52 galing sa tres ni Saldua sa huling 18.6 segundo rito patungo sa 72-64 paglayo sa 3:05 ng final canto.
Pinamunuan ni Gaco ang Harbour Centre mula sa kanyang 18 produksyon at 8 boards kasunod ang 12 marka ni Juntilla at 11 ni Mark Barroca.
- Latest
- Trending