Babawi ang Magnolia
Medyo naibsan ang dalamhati ng mga taga-San Miguel Corporation nang makarating sa Finals ng Philippine Basketball League (PBL) PG Flex Linoleum Cup ang Magnolia Purewater.
Tinalo ng Wizards ang Bacchus Energy Drink, 88-83 sa sudden-death Game Five ng kanilang semifinals series noong Sabado upang makapasok sa best-of-five championship round kontra sa Harbour Centre.
Bago ang larong iyon ay may kaba sa dibdib ng mga taga-SMC dahil nga sa nakakuha ng 2-1 bentahe sa serye ang Energy Drink Warriors na nagwagi sa Games Two at Three. Pero namayani ang Wizards sa dalawang sumunod na laro. Kaya naman natin nasabing nalulungkot ang mga taga-SMC ay dahil sa kabiguan ng San Miguel Beer na makapasok sa best-of-seven championship round ng KFC-PBA Philippine Cup.
Natalo ang Beermen sa Talk N Text Tropang Texters, 4-2 sa semis. Masasakit pa ang naging pagkatalo nila lalung-lalo na sa Game-6 kung saan dumaan pa sa overtime. At hindi lang doon natapos ang lahat. Natalo pa rin ang Beermen sa Sta. Lucia Realty sa one-game battle for third place.
So kung pati ang Magnolia ay nabigo, natural na magiging masama talaga ang pakiramdam ng mga taga-SMC. Pero nagsilbing saving grace ang Wizards. Hindi nila inalintana ang 2-1 na abante ng Warriors at tuluyan silang nakabangon. Dehado siyempre ang Magnolia kontra sa Harbour Centre na naghahangad na maibulsa ang ikaanim na sunod na kampeonato sa PBL.
Kung babalikan ang kanilang paghaharap sa double round elims ay makikitang dalawang beses na nanaig ang Batang Pier sa Wizards.
Pero dikitan lang din ang mga larong ito. Naungusan ng Harbour Centre ang Magnolia, 76-75 sa unang pagtatagpo nila noong Nobyembre 20. Nakaulit ang Batang Pier, 75-72 noong Disyembre 4.
So hindi talaga convincing ang mga panalo ng Harbour Centre at masasabing nakapagbigay ng magandang laban ang Magnolia. Sa totoo lang, ang dalawa talaga ang dapat na magharap sa Finals kung lakas ng line-up ang pag-uusapan. Kasi nga’y kaya namang tapatan ng Wizards ang Batang Pier.
Malaking achievement din ito para kay coach Koy Banal dahil sa tatlong taon na ang nakalilipas buhat nang huling lumaban sa Finals ang kanyang koponan sa PBL. Napakatagal ng kanilang hinintay at talaga namang kinailangan nilang gumawa ng magandang build-up upang punan ang mga puwestong binakante nina Kelly Williams at Arwind Santos na kapwa superstars na ngayon.
Kung maigigiya ni Banal sa kampeonato ang Magnolia, aba’y tuluyang mawawala ang hinagpis sa dibdib ng mga taga-SMC.
- Latest
- Trending