Isang araw matapos matanggap ang pirmadong kopya ng fight contract ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao, kinumpirma naman ng Golden Boy Promotions ang paglagda ni Ricky Hatton.
Ito ang inihayag kahapon ni Golden Boy Chief Executive Officer (CEO) Richard Schaefer kaugnay sa pormal na paghaharap ng kapwa 30-anyos na sina Pacquiao at Hatton sa Mayo 2 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
“When you make a superfight of this magnitude, it’s very exciting,” wika ni Schaefer sa panayam ng Los Angeles Times. “These guys have two great styles. It’ll be a great night for the fans.”
Matapos umatras ang kampo ni Hatton sa ipinipilit ni Pacquiao na 60-40 percentage split sa Pay-Per-View, kaagad ring pumayag ang grupo ni “Pacman” sa panukala ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na 52-48 bukod pa ang guaranteed purse na $13 milyon.
Bago pumirma sa fight contract, sinasabing uminom muna si Pacquiao, ang tanging Asian boxer na nagkampeon sa apat na weight classes, ang flyweight, super bantamweight, super featherweight at lightweight, ng tatlong bote ng beer kasama ang kanyang Filipino manager na si Rex “Wakee’ Salud.
Itataya ni Hatton, tubong Manchester, England ang kanyang suot na Intrernational Boxing Organization (IBO) light welterweight crown pati na ang Ring Magazine title sa kanilang megafight ni Pacquiao.
“Hatton’s a very good body puncher and is very dangerous,” wika ni American trainer Freddie Roach kay Hatton. “Hatton likes to go to the body and the key for Manny to win is his footwork. Manny should stay away from the ropes when he fights Hatton.”
Nanggaling si Pacquiao sa isang eight-round TKO kay world six-division titlist Oscar Dela Hoya sa kanilang non-title welterweight fight noong Disyembre 6 sa MGM Grand.
Lumikha naman ng ingay si Hatton matapos labanan si world five-division king Floyd Mayweather, Jr. kung saan siya natalo via tenth-round TKO sa kanilang world welterweight championship noong Disyembre ng 2007. (Russell Cadayona)