Kagaya ng panahon, may pagbabago ring mangyayari para sa 33rd edisyon ng taunang National MILO Marathon.
Mula sa simultaneous four-city races noong nakaraang taon, isang weekly simultaneous races naman sa dalawang siyudad ang gagawin ng mga organizers para sa taong ito, ayon kay Nestle AVP at MILO consumer marketing manager Stephanie Toh.
“We were inspired by the huge success of our four-city simultaneous races last year so for 2009, we decided to stage weekly simultaneous races in two cities,” ani Toh kahapon.
Hahataw ang 33rd National MILO Marathon sa Pebrero 8 sa Subic at Dipolog kung saan itinakda ang naturang weekly simultaneous races kasunod ang karera sa Pebrero 15 sa Batangas at Iligan at sa Pebrero 22 sa General Santos City at Palawan.
Matapos ang four-month break, muling pakakawalan ang mga karera sa Hulyo 5 sa Maynila at Cebu, sa Hulyo 12 sa Davao at Tarlac, sa Hulyo 19 sa Butuan at Santiago, sa Hulyo 26 sa Cagayan de Oro at Laoag, sa Agosto 2 sa Tacloban at San Fernando, sa Agosto 9 sa Tagbilaran at Baguio, sa Agosto 16 sa Roxas at Dagupan, sa Agosto 23 sa Iloilo at Legazpi, sa Agosto 30 sa Bacolod at Naga at sa Setyembre 6 sa Dumaguete at San Pablo.
Nakatakda ang Nationals Finals sa Oktubre 4 sa Maynila na magtatampok sa premyong P75,000 para sa mananalo sa men’s at women’s division, idedepensa nina Eduardo Buenavista at Mercedita Manipol, ayon sa pagkakasunod. (RCadayona)