Fight contract hawak na ni Hatton
Ngayong natanggap na ng kampo ni Ricky Hatton ang pirmadong kopya ng fight contract ni Manny Pacquiao, tuloy na ang nasabing megafight sa Mayo 2 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang inihayag kahapon ni Gareth Williams, ang legal counsel ng Briton world light welterweight champion, kaugnay sa naturang laban na inayos ng Top Rank at Golden Boy Promotions.
“We have got the contract, signed by Manny,” wika ni Williams, kasalukuyang nasa London, habang nasa Plymouth, England naman ang 30-anyos na si Hatton. “It won’t be a problem and we’ll announce the fight at a press conference on Thursday. All the pressure is off now.”
Bago ito, hindi tinanggap ni Pacquiao ang 50-50 percentage split nila ni Hatton sa Pay-Per-View na nauna nang napagkasunduan nina Top Rank chairman Bob Arum at Golden Boy Chief Executive Officer (CEO) Richard Schaefer.
Ngunit matapos namang umatras ang kampo ni Hatton at ang Golden Boy, biglang tinanggap ni Pacquiao ang panukala ni Arum na 52-48 split kasabay ng pagpirma ng fight contract.
Maliban sa 52-48 split nila ni Hatton, nakuha rin ni Pacquiao, ang world four-division champion, ang hinihingi nitong guaranteed purse na $13 milyon para sa naturang laban na gagawan rin ng promotional tour sa Manchester at London.
“We will look at the contract and then Ricky will sign it probably on Tuesday or Wednesday when he’s back in town,” wika ni Ray Hatton, ang father/manager ng International Boxing Organization (IBO) light welterweight titlist.
Kung sa Marso 1 pa sisimulan ni Pacquiao ang maigting na preparasyon sa Wild Card Boxing Gym ni American trainer Freddie Roach sa Hollywood, California, sa ikalawang linggo naman gagawin ng kampo ni Hatton ang paghahanda.
“We will go into the gym on February 16 or 17 and will fly to Las Vegas after two weeks of training in Britain,” sabi ni Ray Hatton sa kanyang anak na muling gagabayan ni Floyd Mayweather, Sr., ang ama ni world five-division king Floyd Mayweather, Jr. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending