Laban o bawi ang naging laro ni Manny Pacquiao sa kanyang nakatakdang megafight kay Ricky Hatton ng Great Britain.
At sa huling sandali matutuloy na rin ang laban na ito sa panig ni Pacquiao dahil pinirmahan na niya ang fight contract.
Halos wala pang 24 oras ng magbago ang desisyon ni Pacquiao na unang desisyong ‘take it or leave it’ sa hatiang nais. Madaling araw pa lang daw ay tinawagan na ni Pacman si Bob Arum at matagal na nag-usap hanggang sa pumayag na itong ituloy ang laban.
Walang sinabing figures pero maraming nagsasabing pumayag ito sa 52-48 na may $12M guaranteed prize.
Di ba’t sinabi na rin ni Arum na kung tuluyang tinanggihan ni Manny ang offer na yun ay wala siyang magagawa pero ang susunod na laban ng Pinoy ay magkakahalaga na lang ng $3M.
At marami ang nagsasabing ito ang naging dahilan kung bakit pumayag din si Manny. Malaki ang discrepancy ha $12 at $3M di ba triple ang ibinaba.
Marami tuloy ang nagkomento na: ‘yan ba ang sinasabing laban para sa bayan’ ?
No comment po tayo diyan, he he he!
***
Tinanggap na ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang resignation ni Butch Ramirez as chairman ng PSC.
At ang papalit ay si Harry Angpin.
Teka, di ba kagalit ni POC president Peping Cojuangco si Angpin dahil siya ang campaigner ni Art Macapagal noong POC election?
Hala, marami ang nagsasabi na kapag ganito ang sitwasyon laging mag-aaway ang POC at PSC lalo na pag-dating sa pondo.
Marami din ang nagsasabi kasi na dapat yung papalit kay Butch ay in good terms sa POC para maging smooth ang relation ng dalawang sports organization.
Sa kaso nina Angpin at Cojuangco ay ‘hindi sila in good terms’ kaya tiyak na magugulo na naman ang sports.
Haaay! Wag naman po sana.
Wish ko lang na mag-work sila together para mapaunlad ang sports. Wala sanang iringan alang-alang sa sports at sa ating mga atleta.
Kung magiging ‘in good terms’ sila, mas makakabuti sa ating layuning pag-asinta sa kauna-unahang gintong medalya sa Olympiyada.
Wish ko lang.
***
May punto din naman si Cojuangco sa paggiit niya ng ‘fixed terms’ sa PSC.
Pero hindi lang naman ngayon ito iginigiit kundi noon pa. Ngayon na lang uli nabuksan kasi nga hindi magkasundo sina Angpin at Cojuangco.
Pero sana hindi maging isyu sa dalawang sports leader na ito ang hindi nila pagkakasundo.
Sana kalimutan na nila kung anuman ang nangyari noong POC election at magsimula ng maganda.
Kaya naman sigurong gawin ito ni Angpin dahil mahal niya ang sports at ayaw niya itong mapariwara.
At sana din, kung anuman ang maiiwan ni Butch ngayon sa PSC, ipagpatuloy din sana ni Angpin, lalo na ang mga magagandang proyekto nito para sa ating pag-asinta sa Olympic gold.