Elims na-sweep ng PCCr

Nalusutan ng Philippine College of Criminology ang Las Piñas College, 59-58 upang walisin ang elimination round ng 1st Universities and Colleges of Luzon Athletic Association (UCLAA) sa Muntinlupa Sports Complex, kahapon.

Napagwagian ng PCCr ang lahat ng kanilang siyam na asignatura na nagbigay naman sa host St. Francis of Assisi College ng libreng biyahe sa semifinals.

Kung tinalo ng Las Piñas ang PCCr, makakatabla nila ang St. Francis sa 7-2 marka ngunit makukuha ang isang awtomatikong Final Four seat sa bisa ng winner-over-the other dahil tinalo nila ang St. Francis, 64-61, noong Dec.11.

Nakasiguro din ang Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa ng quarterfinal stint nang igupo nila ang National College of Business and Arts, 81-74. 

Dinaig naman ng Metro Manila College ang St. Jude College, 76-74 sa torneong ito na hatid ng Mang Inasal, Air21, Besuto prawn crackers, Villa De Oro Boracay, Magarbo, Magnolia, Basketbolista Magazine at www.gameface.ph.

Sa juniors semis na magsisimula bukas, makakaharap ng top qualifier PCCr ang NCBA sa alas-8 ng umaga kasunod ang No. 2 St. Jude at St. Francis sa San Andres gym sa Manila.

Show comments