Alaska Milk Starting Five
Solid na solid ang starting unit ng Alaska Milk at ito ang dahilan kung bakit naging topnotcher sa double round elims ng KFC-PBA Philippine Cup ang Aces.
At kung titignang maigi, parang malaki ang self-motivating factor at nais na may patunayan sina Willie Miller, Joe Calvin DeVance, Joaquim Thoss, LA Tenorio at Jeffrey Cariaso Kaya naman siguro matindi ang kanilang laro. Hindi lang isang kampeonato ang kanilang target. May personal agenda pa sila bukod doon.
Bagamat dalawang beses nang itinatanghal na Most Valuable Player si Miller, kahit paano’y parang hungkag ang mga karangalang ito dahil sa nakamtan niya ito nang wala ang mga superstars ng liga. Naging MVP siya noong 2002-at 2006-07 seasons kung kailan naglaro ang mga superstars sa national team at naiwan siya sa PBA.
So, sa pagkakataong ito, kumpleto ang liga, nandiyan lahat ang mga superstars pero namamayagpag pa rin si Miller. Nais niyang sabihin sa lahat na kahit wala o nandiyan ang mga superstars, matindi pa rin ang kanyang laro. Tunay siyang MVP.
Si DeVance ang siyang number one pick overall sa Draft noong nakaraang season at naglaro siya sa Rain or Shine (dating Welcoat). Pero sa buong season ay hindi nakita ang kanyang husay. Paminsan-minsan lang niya napabilib ang mga fans at nanatiling kulelat ang kanyang koponan.
Bago nagsimula ang season na ito’y ipinamigay siya ng Rain or Shine sa Alaska Milk kapalit sina Eddie Laure at Solomon Mercado. Nakaganda para sa kanya ang trade dahil sa napalabas ni coach Tim Cone ang kanyang husay. Isa siya ngayon sa main weapons ng Aces at talaga namang nagbabawi siya.
Si Thoss ay isang “very promising big man” at puwedeng maging pangunahing sentro ng PBA. Matagal na rin naman siyang pinagtuunan ng pansin ni Cone at dinevelop. Ngayon nga’y pinakikinabangan siya nang husto.
Nagbunga ang sugal ni Cone ng pag-trade kay Don Allado na dati nilang starting center at bigyan ng mahalagang papel si Thoss. Kaya naman kinuha si Thoss sa 14-man pool na binuo ni national coach Joseller “Yeng” Guiao.
Si Tenorio sana ang ‘future’ ng San Miguel Beer back-court pero nagulat ang lahat nang ipamigay siya sa Alaska kapalit ng beteranong si Mike Cortez. At home naman siya sa Aces dahil kasama niya dito si assistant coach Joel Banal na dati niyang mentor sa Ateneo. Okay naman sa kanya ang triangle offense ni Cone at kaagad niyang nakabisado ang kanyang teammates.
Sa husay ng pagdadala ni Tenorio, malamang na itanghal siya na isa sa mahuhusay na point guards ng liga at maihanay sa mga tulad nina Olsen Racela at Johnny Abarrientos.
Si Cariaso ang pinakabeteranong miyembro ng team. Hindi na siya bumabata at natural na bago siya magretiro ay nais niyang makatikim ng ilan pang kampeonato.
Noong Biyernes, si Cariaso ay nakaabot ng isang milestone nang maging ika-22 manlalarong nakapagtala ng 2,000 assists.
Ang limang ito ang siyang susi sa tagumpay ng Aces, no doubt!
- Latest
- Trending