BACOLOD CITTY - Ano nga ba ang ibig sabihin ng mga malalaking kaganapan dito, sa 2009 National Amateur Boxing Championship?
Una, lahat ay handang bigyan ng pagkakataon ang bagong liderato ng Amateur Boxing Association of the Philippines sa pakay nitong makakuha ng una nating Olympic gold medal sa London Olympics. Halos 700 boksingero ang lumahok sa torneo, mahigit doble sa mga sumasali sa nakaraan.
Pangalawa, makikipagpatayan na ang mga boksingero natin sa mga international competition. Pag kinuwenta mo, ang P12 milyon na makukuha sa bawat ginto sa London ay eksaktong P250,000 kada buwan sa loob ng apat na taon. Katumbas nito ang suweldo ng isang PBA player, o mataas na executive ng isang kompanya.
Pangatlo, tataas na ang antas ng magiging referee at judges natin.
Balak ng ABAP na magpadala ng karagdagang referee sa ibang bansa upang magsanay. Isa pang benepisyo nito, magiging pare-pareho na ang patakaran sa mga torneo.
Pang-apat, dadami ang matuturuan ng wastong boksing. Ayon kay ABAP secretary-general Patrick Gregorio, kung may mahahanap silang gym na may tulugan at malapit sa paaralan tulad ng ilang lugar na nakita sa Visayas at kasalukuyang training area sa Baguio, maaari ring kunin ang lugar na ito bilang regional training center.
Panlima, magkakaisa na ang mga rehiyon sa pagpapadala ng boksingero sa national pool. Dahil sa mga training center, hindi na malalayo ang mga boksingero sa kanilang mga pamilya. Makakalaro na sila, makakatulong pa sa kani-kanilang mga pamilya.
Pang-anim, makikilala na rin ang kontribusyon ng mga pamahalaang lokal at mga promoter sa mga lalawigan. Noong hindi sila kumpiyansa sa ABAP, nag-alangan silang ipamahagi ang mga talentong nadiskubre nila.
Ngayon, handa silang tumulong at matulungan.
Pampito, gagawa na ng pangmatagalang programa ang ABAP upang tumaas ng tumaas ang antas ng boksing sa atin. Makikita na sa mga susunod na taon ang resulta, lalo na sa pagtatag muli ng mga regional elimination.
Pangwalo, lalong makikilala ang mga boksingero natin dahil sa ipinangakong tulong ng mga media outlet, at sa pangako na rin ni Manny Pacquiao na tutulong siya sa pagpapalawig ng boksing sa ating bansa.
Konting panahon na lang, mararamdaman na ng lubos ang pagbabago.