Pabor sa Harbour?
KAHIT alin sa Hapee Toothpaste at Bacchus Energy Drink ang piniling makaharap ng Harbour Centre sa best-of-seven semifinal round ng Philippine Basketball League (PBL) PG Flex Linoleum Cup ay tiyak na madedehado.
Iyan ang pananaw ng mga sumusubaybay sa torneo. Kasi nga, kahit pa napakaraming bagong manlalaro ng Harbour Centre, napanatili pa rin nito ang lakas at katatagan. Napanatili nito ang winning attitude.
Hindi nga ba’t bago nagsimula ang torneo ay sinabi ni team owner Mikee Romero na tiwala siyang makakapagbigay pa ng magandang laban ang Harbour Centre. Inihalintulad niya sa pagkain ang kanyang team at sinabing “bago nga ang putahe, pero pareho pa rin naman ang chef. Alam ng chef kung paano pasasarapin ito.”
Sa totoo lang, parang walang nagbago, e.
Kasi nga, winalis ng Harbour Centre ang first round ng eliminations, 6-0. Natalo sila sa unang game ng second round kontra sa Pharex Generix pero nakabawi naman kaagad at nasungkit nila ang unang automatic semifinals berth.
Sa ilalim ng league rules, bilang top team ng elims ay puwedeng mamili ng makakalaban sa semis ang Harbour Centre buhat sa manggagaling sa quarterfinals: So either Bacchus o Hapee.
Pinili ng Harbour Centre ang Hapee.
May nagtaas ng kilay dahil nga sa ang Hapee ang siyang katunggali ng Harbour Centre sa finals ng huling dalawang torneo. So, alam nila na pinaghandaan din maigi ng Complete Protectors ang Harbour Centre. Bakit daw minadali ng Harbour Centre ang paghaharap nila ng Hapee gayung puwedeng sa Finals na lang sila ulit maglaban?
Pero siguro, sa isip ni Romero at coach Jorge Gallent: Bakit pa natin pagtatagalin? Magharap na tayo kaagad sa semis! Magkaalam-alam na kaagad!
So, ‘yun na nga. Maagang nagtapat ang Harbour Centre at Hapee Toothpaste.
At sa Game One pa lang ay isang matinding statement na kaagad ang isinigaw ng Batang Pier: Hindi ninyo kami kaya!
Dinurog nila ang Complete Protectors, 85-62.
At dahil sa panalong iyon, marami ngayon ang nagsasabing tama ang ginawang pagpili ng Harbour Centre sa kanilang katunggali sa semis.
Anti-climatic?
Siguro.
Pero ang talagang dapat na paghandaan ng Harbour Centre ay ang Magnolia na tila didiretso din sa Finals!
- Latest
- Trending