Muling mabubuhay ang rivalry ng Harbour Centre at Hapee Toothpaste sa muli nilang paghaharap sa semifinal ng 2009 PBL PG-Flex Linoleum Cup na magsisimula ngayon sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
Tatlong beses nang tinalo ng mga Batang Pier ang Complete Protectors sa kanilang tatlong pagkikita sa finals at ngayon, kailangang daanan muli ng Harbour Centre ang kanilang karibal patungo sa kanilang inaasam na ikaanim na sunod na titulo.
Bubuksan ng Harbour Centre at Hapee ang best-of-five semifinal series sa alas-3:00 ng hapon na susundan ng sagupaan ng Magnolia Purewater at Bacchus sa kanilang sariling best-of-five series sa alas-5:00 ng hapon.
Naisaayos ang muling pagkikita ng magkaribal na koponang ito matapos dispatsahin ng Complete Protectors ang Pharex sa quarterfinals noong Martes sa pamamagitan ng 84-81 panalo sa naipuwersang do-or-die match ng Energy Kings.
“Since they have already played two games in four days, we have to start strong and aggressive in both ends of the court,” pahayag ni Harbour Centre coach George Gallent. “We have to take advantage of our quickness and height by playing in the paint.”
Umaasa naman si Hapee coach Gee Abanilla na mailalabas na ng baguhang miyembro ng kanilang team na si Chris Tiu, ang dating Ateneo Blue Eagle, na tumapos lamang ng pitong puntos sa kanyang debut game ngunit nagdeliber ito ng mahahalagang puntos, ang kanyang tunay na laro
“Chris will again provide stability and maturity to the team, he’s got a good basketball IQ,” sabi ni Abanilla na nasasabik sa labanang ito. “We will be fighting them tooth and nail.” Ang Harbour Centre at ang Magnolia ay kapwa nakakuha ng awtomatikong semis slots na biyaya ng pagiging top-two teams sa two round eliminations.
Sinibak naman ng Magnolia ang Burger King noong Sabado. (Mae Balbuena)