Pabila, Vicera umusad sa quarterfinals
BACOLOD City-- Pinunan nina Albert Pabila ng Navy at Bill Vicera ng Army ang pagkawala ni RP light flyweight No. 1 Harry Tañamor nang iukit nila ang magkaibang panalo sa elite section at makausad sa quarterfinals ng 2009 Smart National Amateur Boxing Championships sa Nompac dito.
Nanaig si Pabila kay Loren Bordeos ng Northern Samar, 35-8, habang tinalo naman ni Vicera si Crisanto Godaren ng University of Baguio, 14-10.
Makakaharap ni Pabila si Raul Posta ng Iligan City, na nanaig kay Mark Habana ng Bago City, 29-9, habang makakasagupa naman ni Vicera si Lowe Arlos ng Sagay City sa quarterfinals.
Umusad din sa susunod na round sina Jimmy Aducol ng Mandaluyong City, Keneth Sumodio ng Dagupan, Joemari Yuson ng Cebu City at Leonil Legarda ng Labunao sa taunang paboksing na ito na ginagamit ng Amateur Boxing Association of the Philippines, para makadiskubre ng talento.
Nagpasiklab naman ang North Cotabato, isa sa mga probinsiyang pinagkukunan ng magagaling na boxers, nang umusad din sa susunod na round sina bantamweight Phil Francis Abanilla, featherweight Arnel Cepollano at lightweight Gilbert Gonzales .
Sa cotton weight division, binanderahan naman ni Rafael Jalnaiz ng Misamis Oriental ang mga early winners sa pamamagitan ng 4-3 panalo kay Ronald Ellinas ng Northern Samar. .
Makakasama ni Jalnaiz sa semis sina Orville King Olivar ng Tagbilaran na nanaig kay Rackman Damatinday ng Iligan, 19-14, Jaylord Alonzo ng Cadiz City kay Jellynel Esparagoza, 16-0, at La Union’s Ryan Torre ng La Union kay Neil Tambanillo ng Bago City, 21-4.
- Latest
- Trending