Ngayong hapon na magkakaalaman kung sino sa Complete Protectors at Generix ang magbubulsa sa ikaapat at huling semifinals ticket.
Nakatakdang magtagpo ang Hapee Toothpaste at ang Pharex sa isang ‘do-or-die’ match sa ganap na alas-3 ng hapon para sa 2009 PBL PG-Flex Linoleum Cup sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
Ang mananalo sa pagitan ng Complete Protectors at Generix ang sasama sa Harbour Centre Batang Pier, Magnolia Purewater Wizards at Bacchus Energy Warriors sa semifinals.
Pinuwersa ng Pharex ni coach Carlo Tan ang Hapee ni mentor Gee Abanilla sa nasabing playoff para sa huling semis berth matapos kunin ang malaking 76-61 panalo noong Sabado.
“The old spirit of the team just came back,” sabi ni Tan sa kanyang Generix. “We’re still alive and kicking,”
Sa inihulog na 16-2 bomba, pitong puntos ang tinipa ni forward Elmer Espiritu para sa Pharex, sinimulan ang naturang torneo bitbit ang malamyang 0-6 rekord bago nakapasok sa quarterfinals katapat ang Hapee.
Hangad ng Generix ni team owner Jappy Pascual na makaabante sa semis sa kauna-unahang pagkakataon matapos lumahok sa amateur league noong 2007.
Sa hangaring makarating sa semis sa ikatlong sunod na pagkakataon, hinugot naman ng Lamoiyan franchise ni Dr. Cecilio Pedro si Ateneo Blue Eagle Chris Tiu.
“He has not played competitive basketball but we know what kind of a player he is. He’s smart, tough and very disciplined, so we know he can help us a lot,” wika ni Hapee team manager Bernard Yang kay Tiu. “He has been practicing for the national team, so it will be easy for him to jell with the team.” (RCadayona)