RP Boxers ginulpi ang Guam
HAGATNA, Guam — Kinulang lamang ng isang panalo ang Philippine-Smart PLDT team para makumpleto ang six-fight sweep sa national squad ng Guam sa kanilang impresibong performance sa Goodwill Amateur Boxing Tournament na natapos noong Sabado sa Dededo Sports Complex dito.
Pinangunahan nina light welterweights John Rey Melligen at Jameboy Vicera ang pananalasa ng mga Pinoy kung saan dinomina nila ang lima sa anim na matches na inayos ng Guam Amateur Boxing Federation (GABF) sa pakikipagtulungan ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).
Si Melligen ang impresibo sa lahat matapos umiskor ng second round Referee Stopped Contest (RSC) win kay Shaun Santos, habang tinapos naman ni Vicera ang laban na duguan ang agresibong kalaban na si Jashua Herrera sa unanimous decision win sa dalawang lightwelterweight fights (64 kgs).
“Iginanti ko lang po si Tacuyan. Sa loob-loob ko, kailangan knockout talaga para Convincing ang panalo,” wika ng 18-gulang na si Melligen, kapatid ng pro boxer at former national team member Mark Jason Melligen, na nasurpresa nang bawiin ang split decision win ni Tacuyan sa naunang lightweight class (60 kg) bout.
Nagbibihis na ang 17-anyos na si Tacuyan sa RP dugout nang pabalikin siya sa ring at sinabing natalo siya sa labang kontrolado niya kahit na masakit ang kanang kamay nito.
“Panalo na, natalo pa,” pahayag ng anak ng dating RP boxing team stalwart na si Orlando Tacuyan Sr. na dinala sa ospital para sa x-ray kung saan nakita na may mild crack ang kamay nito.
Nanalo rin si Aston Francis Palicte kay Roel Ubaldo(bantamweight encounter (54kgs), Adones Cabalquinto Lauronal kay Kyle Reyes (welterweight match (69kgs) at new-comer Nesthy Petecio kay Gianna Sarusal sa featherweight class.
- Latest
- Trending