Pag-aagawan ng Toyota Otis at ng Pharex ang huling quarterfinal slot habang nais naman ng Hapee Toothpaste na makopo ang twice-to-beat advantage sa 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup na magbabalik sa EAC Gym sa Manila.
Sasagupain ng Complete Protectors ang six-peat seaking Harbour Centre sa pambungad na laban sa alas-2:00 ng hapon habang ang do-or-die match ng Sparks at Generix ay sa alas-4:00 ng hapon na siyang tampok na laro.
Ang panalo ng Hapee na may 5-6 kartada ang sisiguro sa kanila ng No. 4 slot para parisan ang Bacchus na may twice-to-beat advantage sa taglay na 6-6 kartada.
Wala nang silbi sa Harbour Centre ang larong ito dahil pasok na sila sa semifinals bunga ng matayog na 9-2 record at kasama nilang maghihintay ng kalaban sa Final Four ang Magnolia na may 7-5 karta.
Bagamat wala nang inaalala ang mga Batang Pier, hindi sila papatalo.
Tinalo ng Harbour Centre ang Complete Protectors sa first round, 87-77.
Kung tatalunin ng Toyota Otis ang Pharex, ang Hapee ang magiging No. 4 team kahit matalo sila sa Harbour Centre dahil sa kanilang mas mataas na quotient laban sa Toyota Otis at Burger King.
Ngunit kung matatalo ang Hapee at manalo ang Pharex, makukuha ng BK Stunners na may 5-7 kartada, ang ikalawang twice-to-beat advantage sa quarterfinals dahil mas mataas ang kanilang quotient sa 3-way tie laban sa Hapee at Pharex. (Mae Balbuena)