Aksiyon sa semis di-dribol

Mula sa wildcard phase, dumaan ng tatlong dikdikang laro sa quarterfinals, nakarating ang San Miguel Beer sa semifinal round ng KFC-PBA Philippine Cup.

Ngayon, kailangan nilang harapin ang nakapagpahinga at nakapaghanda ng hustong Talk N Text sa best-of-seven semis series na magsisimula ngayon sa Araneta Coliseum.

Hindi napigilang maiyak sa tuwa ni coach Siot Tanquingcen nang kanilang tapusin ang best-of-three quarterfinal series kontra sa kanilang sister team na Barangay Ginebra sa 2-1 panalo-talo noong Linggo.

Bagamat kulang sa tao ang Gin Kings, dumaan sa butas ng karayom ang SMBeer na nailusot ang 78-77 panalo sa Game-1, bago naisahan ng Ginebra sa Game-2, 88-91.

At sa Game-3, kinailangan nilang bumangon sa 21-point deficit, salamat sa kabayanihan ni Dondon Hontiveros na nagposte ng 30 puntos, para sa series clinching 98-93 panalo at makarating sa semis mula sa wildcard sa ikatlong pagkakataon.

Tampok na laro ang sagupaan ng Beermen at Tropang Texters sa alas-7:30 ng gabi habang mauuna ang sagupaan ng defending champion Sta. Lucia Realty at Alaska sa alas-5:00 ng hapon.

Ang Talk N Text at Aces ay nakakuha ng automatic semis slot na premyo ng top-two teams sa classification round kaya hindi na sila dumaan sa wilcard at quarterfinal round.

Ito ay nagbigay sa kanila ng sapat na panahon para makapagpahinga, makapaghanda at maging mascout ang kanilang mga kalaban. Ngunit posible ring tamaan sila ng pangangalawang sa matagal na pagkakatengga.

Samantala, nangunguna naman si Mark Cardona ng Talk N Text sa karera para sa Best Player of the Conference matapos magtala ng pinakamataas na average statistical points (SPs) na 33.4.

Mahigpit niyang kalaban sina Kelly Williams ng Sta. Lucia (32.5 SPs), Asi Taulava ng sibak nang CocaCola (32.4) at Willie Miller ng Alaska (32.0) habang nasa ikalimang puwesto ang isa pang Tropang Texter na si Ranidel De Ocampo (31.4.)

Si Cardona ang may highest scoring average na 23.8 puntos kada laro bukod pa sa kanyang 4.7 rebounds per game, 2.4 assists. 1.1 steal at 0.2 block para sa kanyang 492 statistical points dagdag ang 110 won game points para sa kabuuang 602 statistical points sa 18-games. (Mae Balbuena)

Show comments