Naiposte ng Pharex ang kanilang kauna-unahang back-to-back na panalo makaraang payukurin ang Magnolia Ice Cream habang nairehistro naman ng Bacchus ang pinakamalaking panalo nang maisahan nila ang Harbour Centre sa pagpapatuloy ng 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup sa Guadalupe Viejo Sports Complex sa Makati.
Bukod sa nakahuli ng matabang isda ang Bacchus, nakakuha din sila ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Sa kabayanihan ni Paul Lee, sinilat ng Energy Drinks ang league-leader na Harbour Centre, 79-75 habang ginapi naman ng Generix ang Magnolia Ice Cream, 81-73.
Si Orlando Daroya na tumapos ng 16-puntos, ang nagsimula ng pananalasa ng Bacchus na kinumplimentuhan lamang ni Lee sa kanilang pagsulong sa 6-5 kartada na nagbigay sa kanila ng karapatang mamili ng kalaban sa quarterfinals na ngayon pa lamang nila mararanasan.
“It is an unfamiliar territory for us but we’re happy. Everybody played well and contributed in their own little way,” sabi ni coach Lawrence Chongson.
Muntik nang masayang ang 17-puntos na pangunguna ng Energy Warriors nang makalapit ang Batang Pier sa 71-74 patungo sa huling 1:30 minuto ng laro sa basket ni Mark Barroca.
Naikonekta ni Lee na tumapos ng 11-puntos ang kanyang drive na naglayo sa Bacchus sa 76-71, 38.1 segundo na lamang ang nalalabing oras sa laro.
Ito pa lamang ang ikalawang talo ng Harbour Centre sa 11-laro at wala itong epekto sa kanila dahil sigurado na sila sa No. 1 slot sa Final Four kung saan kasama nila ang Magnolia Purewater na may 7-4 kartada.
“I told the boys to play as hard as they can, and they did not frustrate. All played in the same page,” dagdag ni Chongson.