Hangad ng Pharex na manatiling buhay ang kanilang kampanya sa kasalukuyang 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup at nakatakda nilang harapin ang bigating Magnolia Purewater sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Guadalupe Viejo Sports Complex sa Makati.
Nakakasiguro na ang Magnolia Wizards ng awtomatikong semifinal slot kaya wala na silang dapat alalahanin sa larong ito habang nanganganib naman ang kulelat na Generix na masibak sa kontensiyon.
Ang Magnolia ay may 7-4 kartada sa ikalawang puwesto at kasama niyang maghihintay ng kalaban sa semis ang league-leader na Harbour Centre na may 9-1 karta.
Itataya naman ng mga Batang Pier ang kanilang malinis na katayuan laban sa Bacchus Energy Drinks para sa kanilang hangaring makalapit sa quarterfinal slot.
Unang magsasagupa ang Harbour Centre at Energy Warriors sa alas-2:00 ng hapon habang maghaharap naman sa ikalawang laro ang Magnolia at Pharex sa alas-2:00 ng hapon.
Nasa ikatlong puwesto ang Bacchus na may 5-5 kartada kasunod ang Hapee Toothpaste na may 5-6 record at ang Burger King na may 4-7 panalo-talo.
Kailangang ipanalo ng Generix ang huling nalalabing laro at inaasahang magiging inspirasyon nila ang 88-76 pamamayani sa Hapee noong December 20.
Binugbog naman ng Batang Pier ang Energy Warriors sa first round, 82-60, ngunit ayaw maging kumpiyansa ni coach Jorge Gallent. (Mae Balbuena)