Si Pacquiao pa rin ang gustong kalaban ni Marquez
Sadyang hindi maalis sa isipan ni dating Mexican world super featherweight champion Juan Manuel Marquez ang pangalan ni Manny Pacquiao.
Sinabi kahapon ng 35-anyos na si Marquez na ang kanyang panalo kay dating two-time world lightweight titlist Juan Diaz ang magbibigay sa kanya ng tsansang muling makasagupa ang 30-anyos na si Pacquiao sa ikatlong pagkakataon.
“There is a reason he doesn’t want to fight me again,” sabi ni Marquez, inagawan ni Pacquiao ng World Boxing Council (WBC) super featherweight crown via split decision noong Marso 15 ng 2008. ”But that’s the fight I’ve wanted, I’ve made no secret of it.”
Makaraang hubaran ng WBC super featherweight belt si Marquez, kinuha naman ni Pacquiao ang hawak na WBC lightweight title ni Mexican-American David Diaz via ninth-round TKO noong Hunyo 28 bago umiskor ng isang eight-round stoppage kay Oscar Dela Hoya sa kanilang non-title welterweight fight noong Disyembre 6.
Bago ang kanilang rematch noong Marso, umiskor muna si Marquez ng isang draw kay Pacquiao sa kanilang unang pagtatagpo noong Mayo ng 2004.
Sa kanyang paghahabol kay Pacquiao, umangat sa lightweight division si Marquez kung saan niya tinalo si Cuban Joel Casamayor noong Setyembre 13 patungo sa kanilang banggaan ni Diaz sa Pebrero 28 sa Toyota Center sa Houston, Texas.
“That’s the intention,” sabi ni Marquez. “Right now, I’m just concentrating on Juan Diaz 100 percent.”
Tangan ni Marquez ang 49-4-1 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs, samantalang ibinabandera naman ni Diaz, isinuko ang kanyang tatlong lightweight belts kay Nate Campbell noong Marso bago tinalo si Australian Michael Katsidis noong Setyembre, ang kanyang 34-1 (17 KOs) card.
“By beating the man who a lot of people said beat the man, that will put me up there,” ani Diaz kay Marquez. “That’s what is going to make this a more interesting fight, that if I beat him, my name is going to be up there with all the top guys.” (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending