Katsidis sa Pilipinas ang susunod na laban
Sa kauna-unahang pagkakataon ay lalaban si Australian world lightweight contender Michael Katsidis sa Pilipinas.
Makakasagupa ng tubong Toowoomba, Queensland Spanish-based si Argentinean Angel Hugo Ramirez para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) Asia-Pacific lightweight crown sa Enero 31 sa Cebu City.
Sa kabila ng kanyang panalo kina Filipino fighters Czar Amonsot, Ranee Ganoy at Nonoy Gonzales, naging popular pa rin ang 28-anyos na si Katsidis sa mga Filipino.
“There’s a lot of respect here in the Philippines for Michael,” ani trainer-manager Brendon Smith kahapon. “Somewhere down the track we would like to fight Manny Pacquiao and there has been some interest in that fight, so this only helps to raise Michael’s profile further here.”
Si Katsidis ang nagpahinto sa boxing career ni Amonsot nang umiskor ng isang unanimous decision noong Hulyo 21 ng 2007 sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas, Nevada kung saan matapos ang laban ay nakitaan ng blood clot sa kanyang utak ang Cebuano slugger.
Matapos nito, dalawang sunod na kabiguan ang nalasap ni Katsidis sa mga kamay nina Joel Casamayor at Juan Diaz noong Marso 22 at Setyembre 6 ng 2008, ayon sa pagkakasunod.
“We’d love to fight back in Australia and a rematch with Joel Casamayor would be perfect to bring home,” wika ni Smith. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending