WISH KO LANG!
Ilang araw na lang at mamamaalam na ang 2008 at papasok naman ang 2009.
Sana sa pagpasok ng 2009, iwanan natin ang lahat ng mga hindi magagandang nangyari sa ating buhay at harapin natin ang bagong pahina sa ating buhay na puno ng pagma-mahal sa bawat isa.
Kaya naman sa pagpasok ng 2009 wish ko lang na sana magkasundo-sundo na ang lahat ng mga may alitan sa National Sports Association. Mas maganda at mas magiging maunlad ang bawat sports kung magkakasundo ang lahat at sama-samang magtatrabaho para sa ikabubuti ng bawat sports.
Wish ko lang na wala ng bangayan sa mga sports officials.
Nakakaturete na kasi ang kanilang patutsadahan sa isa’t isa. Kailangan namang magbigayan ang mga sports officials at tanggapin kung anuman ang mga sushestiyon ng bawat isa para magkasundo at maging maganda ang kanilang samahan.
Wish ko lang na sana magising na tayo sa katotohanang, tuluyan na tayong napag-iwanan ng ibang bansa sa Asya pagdating sa basketball. Oo nga’t nangangarap tayong makarating uli sa Olympiyada at wala namang masama sa pangarap pero siguro mas dapat maging makatotohanan tayong mahihirapan na tayong makabangon pa sa larangan ng basketball.
Wish ko lang na sana bigyang tutok ng ating mga sports officials ang sports na mas malaki ang posibilidad na magkaroon tayo ng gintong medalya sa Olympiyada.
Wish ko lang na sana mapag-aralan ng husto kung saan tayo nagkulang at hanggang ngayon ay tila puro pangarap na lang ang Olympic gold.
Nakakasawa na at paulit-ulit itong wish ko na sana naman ay hindi na mahaluan ng pulitika ang sports.
Nagmamakaawa na kami sa mga pulitiko na huwag na ninyong gamitin ang sports sa pansarili nyong interes lamang. Baka ngayon ay lubos-lubos ang tulong ninyo, pero pagkatapos ng susunod na halalan ay biglang bibitawan sa ere ang mga ipinangako para sa sports.
Haaay, wish ko lang din na sana huwag din gamitin ang ating mga atleta ng mga pulitiko para sa sarili nilang interes.
At sa kahuli-hulihan, wish ko lang na sana magkatotoo ang mga wish kong ito.
* * *
Mula sa inyong lingkod at sa aking mga staff, lubos ang aming pagbati sa inyo ng isang Masagang Bagong Taon!
- Latest
- Trending