Positibong 2009 ang nakikita ng pamunuan ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines sa kanilang sport.
Bagamat patuloy pa rin ang tagisan para sa mahalagang rekognisyon ng BMPAP at ng kinikilalang National Sports Association (NSA) na Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP) ay tiwala pa rin ang grupong inaaniban ng mga mahuhusay na cueartist ng bansa na patuloy na uusbong ang bilyar sa bansa.
“The incoming year will be a new dawn for Philippine billiards,” wika ng isa sa BMPAP founder na si Perry Mariano.
Nakalinya nga sa papasok na taon ang pagsambulat na ng National Billiards League na unang pay-for-play billiards tournament sa bansa.
Ang Villards na suportado naman ni Senator Manny Villar ay magpapatuloy at inaasahang hihigitan ang limang edisyon na ginanap nitong taon. Maging ang Search for the New Idol ay magpapatuloy at palalakasin sa 2009.
Naririyan din ang pinaplanong pagiimbita sa kasaluyang world juniors champion Ko Pinyi para makaharap ang mga nangungunang junior players ng bansa bukod pa sa pagsasagawa ng ikalawang edisyon ng Quezon City vs the Rest of the World.
Bagamat tanging sina Dennis Orcollo at Alex Pagulayan lamang ang pinalad na manalo ng titulo sa labas ng bansa, makinang pa rin ang 2008 para sa Philippine billiards.
Ang dahilan ay mas lalong napalapit ang sport sa masa nang personal na masilayan ng mga ordinaryong tao ang husay ng mga manlalaro ng bansa na noon ay napapanood lamang sa telebisyon.
Ang Villards nga ang isa sa torneong nagbukas ng pagkakataon at naidaos sa Alabang, Cebu, Bulacan, Davao at Bacolod.
Nasundan din ito ng Quezon City Invitational bukod pa nga sa unang edisyon ng QC vs the Rest of the World na kinatampukan din ng mahuhusay na pool players ng mundo.
Pero ang isa sa nagpakinang sa taong 2008 para sa BMPAP ay ang pagkakasamasama ng mga kilalang manlalaro at managers upang hilingin ang pagbabago sa sistema ng kalakaran sa sport.