Inaasahan ni Mexican world super flyweight champion Fernando Montiel na isang mahirap na laban ang kanyang papasukin sa pakikipagharap kay Filipino challenger Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr.
Para makasagupa si Montiel, binakante muna ni Donaire ang kanyang mga suot na International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight belts.
“The fight is very risky and dangerous. The winner will be the one with the better strategy and comes to the ring fully prepared,” wika ng 29-anyos na si Montiel sa kanilang upakan ng 26-anyos na si Donaire sa Marso 14 sa Araneta Coliseum.
Idedepensa ni Montiel, nagbabandera ng 38-2-1 win-loss-darw ring record kasama ang 28 KOs, ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) super flyweight crown laban kay Donaire, nagdadala ng 20-1-0 (13 KOs) card.
“I know that Donaire is strong and that helped him beat (Vic) Darchinyan,” sambit ni Montiel, umiskor ng isang unanimous decision kay Juan Alberto Rosas sa kanilang non-title fight noong Nobyembre 2.
Samantala, nasa boxing event rin sa Big Dome ang title defense ni Mexican IBF light flyweight titlist Ulises Solis kay Filipino challenger Brian Villoria.
“It’s a difficult fight because he’s an opponent who trains hard and he can also hit hard,” ani Solis, may 28-1-2 (20 KOs) slate kontra sa 24-2 (14 KOs) ni Viloria, dating kampeon sa World Boxing Council (WBC) light flyweight class.
Kabilang sa mga Filipino fighters na tinalo na ni Solis ay sina Rodel Mayol, Bert Batawang at Glenn Donaire, ang nakatatandang kapatid ni Donaire. (RC)